Pages - Menu

Saturday, April 7, 2012

"Obvious na obvious 'yung pimple marks ko dito oh."

Lagyan natin ng konting detalye ang larawan bago ang mga walang kalatuy-latoy na kwento. Ang larawan ay kuha ika-25 araw mahigit na pagkatapos atakihin ng mga alien ang mukha kong hindi naman sobrang kagwapuhan pero tatlong beses mong lilingunin, pagkatapos ay isang minutong titig na may kasama pang kagat labi. Balat na nangangati pero nakakahinga na kahit papaano. Mukha na naaagnas at ulo na bukul bukol dahil sa langib ng sugat. Kili-kiling amoy putok ng unggoy na lumangoy sa kumukulong pawis ng Arabo with medyas ni Santa noong athlete pa s'ya. All in all, pakisabi na lang na may dating pa rin ako sa picture kahit obvious na obvious pa rin talaga ang obvious na obvious na. Nakakahingal.

Game. Sa tuwing maiisipan ng kapatid kong si Ineng na magpahid ng kung anong puti at madikit na likido sa ilong n'ya, na kapag natuyo't tinanggal mo na'y may makukuhang black heads at white heads, 'matik na rin ang pag-alok n'ya sa akin nun. Parang 'yung nangyari kaninang umaga ng Sabado de Gloria. Ako naman bilang ramdam ko na 'yun na ang pinaka-lambing ng kapatid kong hindi naman talaga nabiyayaan ng kalambingan, walang pagdadalawang isip ay papayag agad. Hihiga ako sa tagiliran n'ya at ihahanda ang mukha. Pipikit at magrerelax. Mararamdaman ang malamig na temperature ng likido kapag dumikit sa balat, presto!, tapos ang unang bahagi ng walang kwentang bonding namin.

At habang isinasagawa nga ni Ineng ang pagpapahid ng likido sa ilong kong tumangos lang daw dahil sa pagsisinungaling ko, sabi naman ng pangong si Yna, ay napansin ni utol ang medyo lubak na bahagi sa gilid ng ilong ko at ang mga peklat sa noo ko. Parang eksena ng isang taong papanawan na, bumalik sa'kin ang lahat ng ala-ala ko, pero pang-isang taon lang ang nakalipas. Weird, kunwari.

Isang taon na nga halos ang lumipas. Ang mga putang inang bulutong from outerspace na matindi ang karga ay walang patawad sa ginawang paglanding sa mukha ko. Ang laki't lapad kong tao pero talagang mukha ang pinuntirya sa'ken ng piloto ng mga mikrobyo. Duda ko nga, dala nila ang kasulatang naglalaman ng isang kautusan, ang "Magbawas ng Gwapo sa Earth Mission". Pwede ring akala nila ay biglang kuminis ang buwan at kailangan ulit lagyan ng lubak. Grabeng pasakit ang dinanas ko, bro. Literal na 40 days and 40 nights ang unos at kalbaryo ko dahil higit apatnapung araw talagang nagtagal ang mga bulutong, bwakanginangshetnayan! Bulutong lang kung maituturing ang tumama sa'ken, pero tang inang torture talaga na umabot pa sa puntong sa tuwing mapapaharap ako sa salamin ay bigla na lang may aagos na luha galing sa mga mata ko. Ganun katindi! At ang mas matindi, binulilyaso nito ang pagmamartsa ko para sa pinaka-aabangan kong graduation at ang poging-pogi ko sanang magiging picture para naman sa mga pictorial! Huwag na nating isama ang ilang swimming na lumampas lang basta!

Bilang wala naman talaga akong maiku-kwentong may sustansya sa isang 'to, konting payo na lang sa mga magugulang na't magulang na d'yan. Habang maaga pa lang ay ipagdasal n'yo nang tamaan na ng bulutong ang mga anak n'yo. Mahirap putaktihin ng bulutong sa edad kung saan buong buo na ang kagwapuhan at kagandahan. Pero kung likas na may kayabangan at angking kagandahang lahi ang mga chikiting n'yo, pakiramdam ko naman eh babalik ulit sa porma ang mga pagmumukha n'yang mga 'yan. Ehem. Pero, mas okay talagang magka-bulutong habang bata pa lang.

Wala naman akong sobrang importanteng punto dito. Gusto ko lang sabihin na sobrang conyong-baklang pakinggan ni Jericho dun sa isang commercial tungkol sa mga obvious na obvious na pimple marks n'ya. Na mukhang kailangan ko nang subukan ang produkto para mabawasan naman ang mga sobrang obvious na obvious bulutong marks ko. Ano ngang patalastas 'yun?

5 comments:

  1. Okay na yan kesa sa Beke, nakakabaog 'yun. Di ko lang alam sayo kung positibo o negatibo ang pagiging baog.

    ReplyDelete
  2. nasabi ko na ba sa'yong meron akong pagkalaki-laking pimpol sa gilid ng kanang bahagi ng ilong ko na sa sobrang laki eh parang maglilipat-bahay dun si kronos mula sa tartarus?

    p.s. nung nabasa ko 'yung koment ni super b, bakla talaga ang unang rumehistro sa utak kong topakin. mumps pala. lol!

    ReplyDelete
  3. Nivea Men ang commercial. Gumagamit nyan si Biep, kuminis na mukha nya.

    ReplyDelete
  4. ako nagkabulutong na rin pero nung bagets pa ako kaya wala ng marks haha

    oh sabi ni ate salbe effective daw yung inendorse ni echo.

    ReplyDelete