Pages - Menu

Sunday, May 27, 2012

Unicorn Land

Ngayon lang ulit. Ang totoo'y parang ngayon lang talaga. Alam kong nakaangat ang katawan ko sa pisikal na katawan ng mundo noong mga sandaling 'yun. Kalahating pulgada siguro, na maliit mang pakinggan, ramdam mo pa ring lumilipad ka. Biglang nag-slowmo ang palagid. Mababa ng tatlong beses sa normal na bilis ng nakasalang na pelikula. Nagkaroon ng boses ang lahat. Humuhugong, pino at parang magkakalayo ang lahat ng bagay. Nagkaroon ng kulay ang gabi. Halu-halo at parang may glitters pang kasama. Masyado akong naging sensitibo sa galaw ng kalawakan. At sa pinaka-masarap na pagkakataon, ako ang naging sentro nito.

Nagsimula kong labanan ang mga bagay na kusang tumubo sa kokote. Buo na ang pangungusap at may bigat na ang laman. Pero hindi kayang iproseso ng utak ko ang pagbato ng impormasyon papunta sa bibig para mailabas at maging ganap na mga salita. Istak-ap ako. Wala akong nagawa kung hindi pagtawanan na lang ang sarili ko.

Niloloko ako ng sarili kong mundo sa pagpapaniwalang nangyari na ang lahat, pero kailangan kong muling ulitin dahil malaki ang posibilidad na hindi talaga nangyari ang iniisip kong tapos na. Ang mga atom na bumubuo sa bawat bagay ay nagtangka ring onsehen ako. Sabay-sabay silang bumati ng Hi!, pero hindi ko kayang mag-Hello. Pati ang mga letrang itinuturing kong isang malapit na kaibigan ay pinagtataksilan na rin ako. Hindi ko mabasa ang nakasulat pero alam ko ang pagkakabaybay ng mga salita. Matagal na panahong pagtitig, isang oras ang katumbas sa mundong gawa-gawa ko, limang segundo lang pala sa totoong mundong naka-parallel dito.

Noon lang din pumasok sa isip ko na baka gifted ako. Minanipula ko ang mga eksena. Sabay na nangyayari ang kasalukuyan, ang nakaraan, pati ang hinaharap na on-the-spot lang inisip. Sabay-sabay na kaya kang iwala sa katinuan. Nalilito pa rin kung totoo na ba talaga 'to o iniisip ko lang.

Binasag ng isang patak ng tubig ang paglipad. Tiningala ang pinagmumulan ng patak. Nag-zoom in ang lente ng mata. Pixilated na hydrogen at oxygen ang nakikita. Tatlong segundo lang, 'matik na nag-adjust ang paningin. Unti-unti nang muling bumubuo ng nakabaligtad na maliit na burol ng tubig. Parang isang pelikulang barilan na kailangang gawing super bagal ng lahat para makita ng mabuti. Kitang-kita ko ang unti-unti pagbagsak ng patak ng tubig kasama ang maliliit na buntot nito. Parang bulalakaw na gawa sa ulan pero sing-gaan ng bulak ang bilis ng pagbulusok. Inisip kong mabuti kung paano nangyari 'yun, natawa na naman ako.

Natapos ang lahat ng halos wala akong maalala sa siyam-napung porsyento ng dula. At ang tanging nagmantsa sa isip, nagsimula ang byahe sa wonderland pagkabigkas ko ng magic word na Unicorn Land.

Kinabukasan pagkagising, mahirap mang tanggapin pero tapos na talaga ang birthday ko. Buti na lang kamo't solved ako.

1 comment:

  1. Buti na lang at birthday mo nun at matik na humaba ang pasensya ko sa pagtawa mo sa bawat salitang lumabas sa bibig ko. Pinalipad ka ni M. Okay lang dahil happy nights naman tayo at ako naman ang pinalipad mo. Teehhheee~

    ReplyDelete