Pages - Menu

Saturday, May 12, 2012

Future Customer

Isa ako sa mga taong naniniwala na ang tagumpay ay kailangang planuhin at hindi kailanman dapat iasa sa swerte. Kung nanalo ang basketball team n'yo dahil binato mo ang referee ng bola sa ulo dala ng pagkapikon mo sa mali-maling pagpito nito, pagkatapos ay pumasok sa ring n'yo ang bolang ibinato mo, 'yun ang swerte! Pero kung nanalo naman ang kuponan n'yo dahil nag-ensayo kayo ng husto, pagpa-plano sa tagumpay ang tawag dun. 

Walang tsamba sa mundong 'to. Manipis man o malaki ang tyansa, basta ikaw ang kumilos, sa'yo ang tagumpay na 'yun! Ang salitang tsamba ay sinasabi lang sa mga nagwagi, ng mga taong hindi makatanggap ng kanilang kahinaan at pagkatalo. Inimbento ang salitang tsamba para hindi tuluyang mawalan ng tiwala sa kani-kanilang mga sarili ang mga talunan, muling lumaban at paniwalain ang mga yabang nila na hindi na makaka-tsamba ulit ang kakumpitensya.

Alas-nuebe pasado kagabi ng makatungtong ang dalawang paa ko sa teritoryo ni Mon Ilagan sa gawing Junction. Bunga ng pagkainis sa ilang mga bagay na dala-dala ko simula pa lang ng byahe sa jeep mula Katipunan, napag-desisyunan kong bumili ng kalahating kaha ng Marlboro at posporo sa 7-11. Gusto ko kasi sanang magmuni-muni sa gilid ng kalsada habang nagyoyosi at nag-aabang ng masasakyang bus.

Pagpasok sa 7-11, dumiretso ako sa sulok na bahagi nito para tingnan ang sarili sa bilog na salaming nakasabit. Mabilis akong nanawa sa pagmumukha ko at pumila na sa counter. Mabilis mag-scan at magsukli 'yung tindera, ako agad ang nasa unahan ng pila. Iniabot ko ang bayad ko, hindi agad masuklian ni ateng tindera dahil ayaw basahin ng scanner ang nakahiwalay na bar code na nakalaan para sa presyo ng posporo. Sino ba naman kasing normal na tao ang papasok pa sa 7-11 para lang bumili ng posporo? Abala 'tong gagong 'to. Inabot pa tuloy ng limang minuto bago maisip ng kahera na lagyan na lang ng +3 ang binili kong sigarilyo.

Hindi ko pa man nakukuha ang sukli at isinusuksok pa lang nung kahera ang singkwenta pesos na papel ko sa loob ng lalagyan nila ng mga pera, bigla-bigla namang nagparamdam ang putang inang wetpaks ko. Ramdam kong atat na atat at emergency level na ang paghilab ng tiyan ko. Sa lalong madaling panahon dapat maiupo ko 'to sa inidoro dahil kahit anong oras ay sasabog ang bulkan. Pagkakita ko sa sukli sa kamay ng kahera, hinablot ko agad at mabilis na lumabas sa tindahan. Lumakad ako ng mabilis, huminto sa gilid ng kalsada para tyumempo sa pagtawid. Wala pa atang tatlong segundo ay natawid ko na ang malapad na kalsada kahit naka-go pa ang mga sasakyan...

...at kung ngayon mo pa lang itatanong kung anong kinalaman ng unang dalawang talata sa kwento at sa larawan, ang sagot ay, wala naman. Gusto ko lang sabihin na hindi pa man ako nagkakaroon ng kotse na mabibili ko lang oras na magtagumpay ako sa buhay, SEAOIL na ang magiging suking gasolinahan ko. Oo, duon ako tumae sa bagong bukas na SEAOIL sa Junction. Swabe, mabango't malinis ang kubeta, kumpleto sa sabon at tissue, malakas ang tubig, gumagana ng maayos ang flush, bagung-bago, walang istorbo at pwedeng pwedeng magpicture-picture. Pwede rin nga palang buksan ang ilaw. At panghuli, murang-mura pa ang gasolina. Kaya kung may tsikot ka, aba, sa SEAOIL na!

5 comments:

  1. ahhaha ... nakarelate ako duin sa una.

    napanood mo yung finals no? lolz

    ayos naman ang pagpopromote. kapakipakinabang lalo na sa life threatening moments .hahaha

    ReplyDelete
  2. magkano binayad sa'yo ng seaoil, pre?

    p.s. mukang napapadalas ang walang-habas na pagbabalandra ng karakas?

    ReplyDelete
  3. may unleaded ba sa seaoil, adre? wala nga lang kasing malapit na seaoil dito samin.. tsk tsk

    ReplyDelete
  4. saka maganda ang biodiesel ng seaoil haha!

    ReplyDelete
  5. Ayos-ayos. Gagawin ko din yan sa Seaoil. Promise ko yan!

    ReplyDelete