Pages - Menu

Thursday, May 31, 2012

Lucky Manzano

Paborito ko talaga dun sa hulihang pwesto ng jeep, sino bang hindi? Kahit kita nang nahihirapan ang mga papasok na pasahero, hindi pa rin uurong huwag lang mawala ang pagkakalapat ng puwet sa ginintuang pwesto. Ganoon namin kapaborito sa pwestong 'yun. Patunay lang din na baligtad talaga ang utak ng mga Pinoy. Mantakin mo ba namang magpuno ng isang lalagyan pero pilit sa gitna inilalagay ang laman? Kuha mo ba? Ako, ngayon ko lang naisip 'to. Naunahan kasi ako sa pwesto nung mama na amoy luom na medyas na ibinabad pa ata sa suka. Wala akong nagawa kung hindi ang magpaubaya. Isinaksak ko na lang ang earphones para magpaka-rockstar sa full volume na tugtugan.

Nasabi ko na ba na kaya ko paborito dun sa hulihang pwesto kasi pakiramdam ko ay swerte ako sa drayber? Kapag kasi duon ako nakaupo, kahit punung-puno na talaga ang loob ng jeep, pipilitin pa ring makapasok ng mga bagong pasahero oras na makita nilang may gwapo silang makakasakay. Panis. Ewan ko ba, basta tungkol sa kayabangan ay hindi ata ako mauubusan. Isang dahilan din siguro 'yun kung bakit hindi ako umase-asenso. Tiyak kasing madaragdagan lang ang yabang ko.

"Makikiabot nga ho ng bayad."

Naantala ang pag-iisip ko dahil sa nakikisuyo ng bayad. Hindi lang kasi basta salita, may kasama pang kalbit. Naniguradong aabutin ko talaga 'yung bayad. Kasabay din noon ang tuluyan ko ng paghinto sa pag-iisip ng kung anu-ano. Hanggang sa mapansin ko na parang ako ata ang pinag-uusapan nitong dalawang babae sa harap ko. Limang beses kong sunud-sunod na pinindot ang tagiliran ng cellphone ko para humina ang volume. Kumpirmado. Pinag-uusapan nila ang kagwapuhan ko. Inassume ko lang. Balik ulit sa pakikinig.

Sabay sabay na nagbabaan ang mga pasahero sa tapat ng isang grocery. Kung gaano karami ang bumaba, mas marami naman ang bagong sampa. May sa-demonyo talaga 'tong mga jeep. Ang akala mong hindi na kasya, magugulat ka na lang maluwag pa pala. Sabi ng drayber sabay talsikan ng buo-buo pang laway. Sabay rin sa pagbuhos ng ulan sa labas. Speaking of laway, este ulan, ito ang ayoko kapag bumabyahe tapos umuulan. Hindi ka nga mababasa dahil may tarapal, maliligo ka naman sa sarili mong pawis dahil sa init. Punyemas, panget pa naman ako kapag wet look.

Matutulog na lang sana ako buong byahe para bumilis ang oras. Iwas pagkabwisit din sa init. Nang mapansin ko naman 'tong bagong sakay na pasahero. Cardigan ba 'yun? Basta 'yun, tapos kulay berde. Nakapatong sa uniporme n'yang hindi ko masyadong maintindihan ang kulay dahil sa paghalo nito sa kulay ng ilaw sa loob ng jeep. Maikli ang palda, parang sales lady ang dating pero maganda. Mukhang makinis, at halata na may kurba ang katawan kahit nakaupo. Nakapuyod ang buhok. Namamaga ang labi dahil sa pagkakapula ng lipstick. At ang pamatay sa lahat, nakasalamin s'ya na medyo may kakapalan ang frame. Parang medyo may pagka-teacher ang dating, o kaya naman porn star kung pareho tayo ng paraan kung paano mag-imagine. Buhay na pantasya. Parang isang mabilisang wish granted!

Bukod sa pagiging rockstar dahil sa nakapasak na earphones, may bago akong mapaglilibangan. Lalong uminit. Masyadong mainit ang dating nitong si ate. Mukhang pagod sa trabaho, pilit na pilit ang pagnakaw ng tulog kahit maalog ang jeep. Napapamulat s'ya kapag may bagong sasakay o kaya naman ay bababa. Tyempo naman na bigla akong tatamaan ng pagbato n'ya ng tingin sa direksyon ko. Kung pulis siguro 'tong babaeng 'to, binitay na ako ngayon dahil sa dalas ng pagkakahuli n'ya sa mga mata kong titig na titig sa ganda n'ya.

Gustuhin ko mang ngitian s'ya sa tuwing magtatama ang mga mata namin, hindi ko naman magawa. Wala akong lakas ng loob. Naninigas ang mga muscle sa mukha ko. Masyadong seryoso ang dating n'ya. Ang kaya ko lang gawin ay yumuko at sumimple ng pagbasa sa mga labi ko pagkatapos ay tutunghay ulit. Ilang ulit na ganun. Kung pagpapa-cute 'tong ginagawa ko, sige na putang ina guilty na ako.

Matagal-tagal na ring bumabyahe 'tong jeep na sinasakyan namin. Tuloy lang ako sa pag-imagine na kami lang dalawa ang sakay. Tuloy lang din ang pagtulo ng pawis ko dahil sa init, kaba, at pagkasabik. Hindi ko na natiis, dinukot ko na ang pink na panyo sa bulsa ko. Punas sa batok, noo, pisngi, sa bibig, mabilis na binasa ang labi, punas sa ilong.

Nalalasing ako sa tuwing magtatama ng tingin ang mga mata namin. Muntik akong mapasigaw noong dumungaw ang mga ngipin mula sa kanyang mga labi. Parang gusto kong magwala dahil sa ngiting 'yun. 'Yun lang, mabilis n'ya ring binawi sa pamamagitan ng pagtatakip ng panyo. Pero alam ko, diretso pa rin sa pagngiti ang magaganda n'yang labi sa likod ng telang 'yun. At malaki talaga ang posibilidad na para sa'ken ang isang 'yun.

Kulang limang minuto na lang ay malapit na kami sa babaan. Planado na ang linya sa isip ko. Alam na alam ko na kung paano ko sisimulan ang pagboka ko.

"Oh, nandito na tayo sa terminal." sigaw ng drayber. Isa-isang nagbabaan ang pasahero. Naiwan ako, medyo napatulala. Bumaba rin agad noong mahuli ko ang sariling inililipad ng imahinasyon.

Ilang hakbang na ang layo sa'kin ng magandang dilag. Nakakahiya, pero halos mapa-walkathon talaga ako makahabol lang at makasabay ng lakad.

"Hi, miss!" kusang lumabas ang mga salita sa labi ko. Napalakad ako ng mabilis para kung sakali mang napansin n'ya ang bati ko ay nasa unahan n'ya na agad ako. Napapakamot pa ako sa ulo, parang tatalsik ang puso palabas sa dibdib ko dahil sa kaba. Bahala na.

"I don't usually do this... pero sa tingin pa lang ng mga mata mo, mukhang magkakasundo tayo." sabay abot ng kamay at bigkas sa maganda kong pangalan. Tunog presko pero 'yun na ang pinaka-dabest ko.

"Gago ka ba? Tinitingnan lang kita kasi nagtataka ako kung bakit may kulangot d'yan sa pisngi mo."

Nagwalk-out ako. At pasimpleng kinapa ang pisngi kung may pesteng kulangot nga.

3 comments:

  1. at least nang dahil sa kulangot eh tiningnan ka nung chick.. magandang umpisa na yun eh.. hehehe

    ReplyDelete
  2. hahaha. ang benta sakin neto :D

    ReplyDelete
  3. wahaha kulit amp. true story talaga to?

    ReplyDelete