Pages - Menu

Thursday, May 17, 2012

New Species, Jack and Pepe Smooth

Para sa kapakanan ng mga mapagmarunong na maliligaw dito at tulad kong gustong matuto kahit papaano, isinangguni ko pa kay Google kung may salita ba talagang specie o wala. At kung meron man, sinigurado ko lang kung 'yun ba talaga ang salitang hinahanap ko. Sa kasamaang palad, tama ang hinala ko na ang singular at plural ng salitang species ay iisa. Nagkaroon lang naman ako ng interes na tingnan ang katarantaduhang 'to kasi gagamitin ko sa titulo ng walang kwentang blog post na binabasa mo ngayon. Sakit ko na kasi ang maglagay ng pamagat kahit wala pang mukha't katawan ang mga bagay na ita-tae ko dito sa sangka-internetan!

Simula noong mag-Maynila ako para mag-aral halos pitong taon na ang nakakalipas, masasabi kong iba't ibang klase ng mukha na talaga ng tao ang nakita ko. Partikular 'to sa mga kababaihan dahil bilang barako, makatarungan lang na mas maglaan ako ng oras na kilatisin ang karakas ng mga bebot kaysa kapwa barako. Kung anong nakikita ng mga mata n'yo kapag lumalabas kayo ng bahay, 'yun din naman ang nakikita ko. Magkakaiba lang siguro tayo ng paraan kung paano ika-kategorya ang mga mukha nila't dating.

Habang nakasakay kasi kami nitong si Pepe sa LRT kanina ay may namataan kaming cheka. Ang pagkakabigkas nga pala sa palayaw n'ya ay tulad kung paano mo bigkasin ang salitang tumutukoy sa kepay ng bata. Maganda 'yung babae, as in! Pero pansin ko lang na sa mga kilos n'ya ay halatang-halata na isa sa pinaghuhugutan n'ya ng kumpyansa sa sarili ay ang dami ng likes sa tuwing magpo-post s'ya ng status at picture sa Facebook. Kung paano ko naisip ang katarantaduhang 'to? Ewan ko rin. Basta ang alam ko lang, ang hitsura n'ya ay 'yung tipo na maganda sa personal pero mas maganda lalo sa picture.

Bilang pareho naman kaming tunay na barakong bumu-brocha nitong si Pepe ay sabay kaming nagkatinginan pagkakitang pagkakita namin dun sa babae. Sabay din kaming nagulat noong may lumapit sa kanyang lalaki para alalayan s'ya sa pamamagitan ng pagpulupot ng braso nito sa baywang habang pababa sa escalator. Matagal na kaming magtropa nitong si Pepe, pero ngayon lang talaga may tumanim sa kokote ko na nanggaling sa bunganga n'ya. Mantakin mo ba naman kasing sabihin na Jack daw ang pangalan nung lalaki. Nagtaka rin ako syempre, at ang tanging reaksyon lang na nagawa ko ay ang pagpapatawag sa pangalan nung lalaki kung kilala n'ya nga ba talaga. Si jackpot daw kasi 'yun!, sagot n'ya.

Bago pa man kami makalabas ng Santolan Station ay may sinabi pang isang konklusyon si Pepe. Ayon sa kanya, mabaho raw ang hininga nung babae at sigurado s'ya dun! Masyado na raw kasing maganda at hindi pu-pwedeng walang kapintasan 'yun. Hindi ko na lang sinabi sa kanya na 'yun siguro ang dahilan kaya mataba ako.

1 comment:

  1. parang "pangarap kong jackpot" ba sa Palibhasa Lalake fb page? hehehe

    ReplyDelete