Pages - Menu

Thursday, May 17, 2012

Parang lang, pero hindi talaga sa'tin ang gabi.

Probinsyano ako, aminado ako. Pero noong makatungtong ako sa bayan na kinalakhan mo, nasabi ko na lang sa sarili ko na mas probinsya 'tong lugar n'yo. Mas probinsya kasi ganito 'yung itsura ng isang lugar kapag sinabing probinsya sa isang pelikula. Sobrang aliwalas ng paligid. Ni walang bahid ng mantsa ang kalangitan. Pinung-pino ang hangin. At higit sa lahat, singkwenta sentabos lang o kaya naman ay tatlo-piso ang presyo ng mga hindi kilalang sigarilyo.

Inaasahan ko nang mapapalaban ako sa mga kamag-anak mo ng tunggaan sa lambanog. Hindi ako masyadong sanay uminom ng ganung alak. Kahit kasi probinsya ring maituturing ang bayan na pinagmulan ko, wala naman akong kilalang gumagawa o nagbebenta ng lambanog sa'min. Empi Lights, Gin, pulang kabayo at mga komersyal na alak kasi ang uso du'n. Marlboro rin ang usong panunog baga. Kapag tipid mode, Fortune.

Pagsapit ng hapon, habang unti-unting nag-aagaw ang pagiging bughaw at kahel ng kalangitan patungo sa pagdilim, ay inaya na ako ng kuya mo para tumagay. Panalo ang adobong itik na pulutan. Mahirap ding tanggihan ang nakahaing na kambing. Ganito pala mag-asikaso ng bisita ang pamilya mo, matindi! Balewala ang matapang na lasa ng lambanog kapag susundan mo agad ng pulutan.

Pasado alas-siete, nadagdagan pa kami ng tatlo sa bilog ng inuman. Dumulog na rin kasi ang tiyuhin at dalawang pinsan mo. Mababait ang mga kamag-anak mo, wala akong maipipintas sa init ng ipinakita nilang pagtanggap sa'kin. Medyo naiilang lang ako ng kaunti dahil ilang oras na kaming umiinom ay hindi pa rin lumalapat ang itay mo. Hindi ko mabasa kung ayaw n'ya ba sa akin o nahihiya lang. Ilang minuto ko ring inisip kung bakit. Hanggang sa marinig ko na lang na tinawag n'ya ang pangalan ko. Pinapunta ako sa kusina, magpapatulong pala sa paglalabas ng mas mahabang lamesa. Mukhang ito na ang oras na magkaka-usap na kami ng harapan ng itay mo.

Maganda naman ang takbo ng usapan. Akala ko sasabunin ako ng husto. Tamang pagbibigay lang pala ng payo at pagpapaliwanag ng mga plano nila sa buhay n'yong magkakapatid. Wala namang problema sa'kin 'yun. Medyo sanay naman akong makiharap sa mga mas matanda sa'kin lalo't nasa bilog lang din naman ng inuman.

Mag-a-alas-onse noong una akong makaramdam ng pananakit ng pantog. Matagal-tagal na akong nakalapat at tumutungga pero ngayon lang ako maiihi. Dun ako pumwesto sa likod bahay. May kadiliman, pero maaaninag mo naman ng mabuti ang paligid dahil sa liwanag ng buwan. Isang mainit na hawak sa braso ang naramdaman ko pagkatapos kong pagpagin ang alaga ko. Ikaw pala. Biglang nag-init ang pakiramdam ko. Hinawakan mo ako ng dalawang kamay mo payapos sa batok ko at ibinaba ang mukha ko sa tapat ng bibig mo. Akala ko hahalikan mo ako. Ibubulong mo lang pala na huwag akong masyadong magpakalasing. Tinandaan ko ang sinabi mo. Hindi ako magpapalasing at magpapatalo sa mga kamag-anak mo dahil alam kong magugustuhan ko ang mangyayari pagkatapos nun. Bumitaw ka at nagbilin na hihintayin mo ako pagkatapos ng inuman. Napapitik ang alaga ko, pagtango na lang ang naisagot ko sa'yo.

Pagbalik ko sa pwesto ng inuman ay nakita kong nagliligpit na ang tiyuhin mo. Madali palang malasing 'tong tatay mo kaya nagpahuli sa pag-inom. Ang kuya't dalawang pinsan mo, bagsak na rin. Ang tataas kasing tumagay, hindi naman ako nakikipagkumpitensya. 'Tong tiyuhin mo, nakakatayo pa pero alam kong wasak na. Pinapasok ko na lang sa loob ng bahay nila at ako na ang tumapos ng ligpitin. Parang hindi ako tinamaan, pangungumbinsi ko pa sa sarili ko. Nag-iinit lang ang katawan ko. Nanginginig din dahil sa pananabik. Tinapos ko agad ang pagliligpit at tumungo na sa labas, sa tapat ng bintana ng kwarto mo. Isang mahinang katok lang ang ginawa ko. Binuksan mo ang bintana, at sinabing maghintay ako.

Pagkakita ko palang sa'yo ay hindi ko napigilan ang sarili ko. Yinakap kita ng mahigpit. Pilit idinidikit ang katawan ko sa katawan mo. Ang dibdib ko, sa malulusog na dibdib mo. Ang labi ko, sa mapulang labi mo. High na high ako sa magkahalong pakiramdam. Galit na galit lalo ang alaga ko. Pupupugin ko na sana ng halik ang leeg mo, pero pinigilan mo naman ako. Humawak ka sa kamay ko at inakay ako patungo sa dalawang puno ng manggang magkaharapan sa gilid na bahagi ng bakuran n'yo. Buwan ang nagsilbing mga ilaw. Ang duyan ang nagsilbi nating pugad. Ang ihip ng hangin ang musika. Talo naman ang scented candle ng halimuyak ng sariwang damo. Panalong-panalo ang gabing 'to!

Habang magkatabi sa duyan ay hindi maiwasan na madarang talaga ako. Lumilikot ang kamay ko sa tiyan mo, paakyat sa dibdib, pero pinipigilan mo ako. Paulit-ulit na ganun. Lalo lang tuloy akong nanggigigil, pati ang alaga ko. Hanggang sa makuha ko rin ang tyempo. Inilapit mo ng kusa ang mukha mo sa mukha ko, at siniil ng madiin na halik ang mga labi ko. Malambing na pagkagat ang panapos na ginawa mo. May ibinulong ka pagkatapos. Sabay bago mo naman ng pwesto.

Bilisan mo pa! Bilisan mo pa! 'Yan lang ang naririnig kong sinasabi mo. Ang sarap! Ang sarap!, sunud-sunod na pagpuri mo sa ginagawa ko. Hindi ko maipaliwanag sa sarili ko kung tama ba ng alkohol 'tong nararamdaman ko o matinding pagod lang dahil sa ipinapagawa mo. Kumuha ako ng bwelo, isang malakas at mahabang bwelo sabay sampa. Naramdaman na lang natin pareho ang mainit na likido, pagkatapos ay nagkatinginan tayo... pasensya ka na, hindi ko napigilan. Sukang suka na kasi talaga ako dahil sa kaunting alak na pinalala ng putang inang duyan na 'to.

No comments:

Post a Comment