Pages - Menu

Sunday, June 24, 2012

Bachelor of Science in Inidoro Technology

Isa sa mga bagay na isinasaalang-alang ko sa pagpili ng boarding house ay ang kubeta na magiging kaharian at kalalagakan ng trono ko sa umaga tuwing kailangan kong maligo at magbawas ng sama ng loob. Hindi naman kailangan na kasing laki ng basketball court ang banyo, hindi rin required ang bath tub, at mas lalong hindi kailangan na magkahiwalay ang paliguan at upuang magiging saksi sa krimeng sangkot ang matigas na ebak. 'Yung tama lang. Basta malakas ang tubig at madaling lumubog ang dating kanin at paboritong ulam na naging ebak sa inidoro, eh ayos na. Dagdagan na rin natin ng konting kalinisan para swabe ang paglapat ng maligasgas na puwet.

Noong unang taon ko kasi sa kolehiyo, bilang isang hamak na promding sadyang gwapings na napadpad na lang basta sa Maynila para mag-aral kahit walang pera, ay kailangang-kailangan ko talaga ng bahay na matutuluyan. Sa sobrang desperadong makakita ng bahay na pagsisiksikan ng payat ko pang katawan noon, kahit sa ilalim ng hagdan ang magiging kwarto ay pinatos ko na. Wala na talaga kaming mahanap na matino-tino dahil kulang isang buwan na rin ang nakakalipas noong magsimula ang pasukan. Sa kasamaang palad, unang araw palang ay agad ko nang tinext ang ermat ko para sabihing ayoko na sa bahay na 'yun. Bukod kasi sa sobrang sikip ng ilalim ng hagdan, hindi rin ako makatulog agad dahil sa ingay ng mga nagpapanhik-panaog. Isa pa sa naging malaking problema ko ay ang kubeta. Hindi ko naman kasi akalain na ako pa pala ang mag-iigib ng tubig na gagamitin ko sa pagligo. Kol, mag-iigib ako. Sanay naman akong magbuhat ng timba, at para mairaos na rin ang unang araw. Bwakanginang kamalasan nga naman, nakaka-apat na timba na ata ako pero hindi pa rin lumulubog ang medium sized kong ebak na nakaka-putangina talaga. Nakakasawang magbuhos, kaya pinabayaan ko na.

Noong araw din na 'yun ay itinuloy ko ang paglayas sa lugar na 'yun tulad ng sumbong ko sa ermat ko. At tulad kung gaano kahirap palubugin ang ebak sa inidoro nila, ganun din halos kahirap kuhanin ang sobra sa ibinayad kong renta para sa halos wala pang isang araw na pag-upa. Ang totoo nga n'yan, eh parang nakitae lang ako.

Naalala ko lang naman ang traumatic experience ko na 'yun tungkol sa kubeta noong bagito pa ako sa Maynila dahil sa insidenteng nangyari sa bagong kubeta sa bago ko namang boardinghouse.

Swabe ang unang apat na araw ng pagtulog at pag-ebak ko sa kwartong may sariling maliit na kubeta sa loob. Walang kalaban. Kahit anong oras tumae at maligo, pwede. Malakas ng sampung beses sa ihi ng aso ang tulo ng gripo mapa-araw man o gabi. At higit sa lahat, garantisadong puwet ko ang makakasungkit ng kabirhenan ng bagong gawang kubeta. Ano pa nga bang irereklamo ko bukod sa mahinang signal at paminsan-minsa'y mala-impyerno ang init sa loob ng kwarto? Wala na, dahil may electric fan naman at medyo choppy lang naman ang signal na kayang tiisin. 'Yun ang akala ko. At pasalamat na lang din ako na hindi pala talaga nakakamatay ang maling akala.

Pagsapit ng ika-limang araw, habang masaya akong tumatae dahil sa ganda ng panaginip ko, bigla naman akong nakaramdam ng parang lindol epek. Gumalaw ako ng bahagya para iayos ang pagkakaupo ko, medyo basa kasi ang inidoro at hindi kaya ng ligasgas ng puwet ko ang dulas. Maya-maya pa'y naramdaman ko na parang gumalaw ang inidoro. Gising na gising na ako at alam kong hindi panaginip 'yun, at mas lalong hindi totoong may buhay ang mga bagay tulad ng mga napapanood sa teevee. Tsinek kong mabuti. Kumpirmado. Halos matanggal ang inidoro sa pagkakadikit nito sa tiles. Agad kong inereport ang insidente sa care taker ng boardinghouse kahit medyo nakakahiyang magpaliwanag. At kung itatanong mo naman kung anong reaksyon n'ya, neutral lang. Wala naman akong nabakas na pamamlastik at senyales na parang natatawa sa mga mata n'ya.

Pagkalipas ng isang oras at kalahati, kumatok sa kwarto at agad kong pinapasok ang isang lalaki na hindi kataasan, may dalang flashlight at may baong ngiti sa mukha. Itinuro ko ang inidoro at muling inulit ang pagpapaliwanag na bigla itong umuga habang "masaya" akong tumatae noong umaga. Nilapitan niya ang biktima, ginalaw-galaw at sinuring mabuti na tila inaalam ang dahilan kung bakit nangyari 'yun sa kawawang inidoro: 1) Iniisip n'ya na sinakyan ko ang inidoro at para akong isang higanteng palaka kung tumae 2) Napatagal ang pagbabasa ko ng dyaryo habang tumatae 3) Sinipa ko lang basta para alamin kung matibay ang pagkakagawa 4) Sinubukan kong punuin ito ng tubig 5) Mabigat lang talaga ako dahil isa akong dambuhalang nilalang at kahit anong inidoro ang upuan ko ay uuga talaga.

Hinihintay kong ibulalas ni kuyang duktor ng mga takubets ang huling dahilan bilang findings n'ya kung bakit nasira ang inidoro, pero napansin n'ya sigurong hawak ko na ang bagong tasang lapis ko kaya sinabi n'ya ang mas tama: "Sir, medyo bagong gawa lang kasi. Kakapalan ko na lang ang semento para matibay".

5 comments:

  1. kahit nga sa mga takubets, namamahay ang ilan, isa na siguro ako, di makapaglabas ng etyas pag sa ibang inodoro.. hehehe

    ReplyDelete
  2. ang creepy nung mga isda mo kuya. mukhang botete. anyway..nakakatawa ka kahit kailan. wala akong masabi tatawa na lang ako. wahahahahahaha =D

    ReplyDelete
  3. "bilang isang hamak na promding sadyang gwapings na napadpad na lang basta sa Maynila para mag-aral kahit walang pera" - cool ang description, pramis... hello, iskul bukol! ;)

    ReplyDelete
  4. Haha sa dami ng nabasa kong kwentong tae, ikaw pa lang so far ang nakasira ng inidoro LOL!

    ReplyDelete
  5. haha .. pakiramdam ko natakot lang si manong o di kaya isa siyang "Great pretender" magaling mgtago ng emosyon ..wahahha

    ReplyDelete