Pages - Menu

Saturday, June 16, 2012

Famous Crime

Kung pang-ilang libong tao na ako na biglang nag-isip at nagmuni-muni tungkol sa sariling hinaharap habang sakay ng umaandar na jeep at blankong nakamasid sa naiiwang palagid, aba eh, hindi ko rin ho alam. Ang naaalala ko lang kanina'y naputol na lang basta ang pakikipagsayaw ng isip ko sa mga naiiwang poste noong biglang sumagi sa kokote ko ang dahilan kung bakit nagkulang ng piso ang pamasahe ko.

Nagkakamali ka kung iniisip mong hindi ko ugali ang magpasobra ng kahit limang piso sa pamasahe, dahil ang totoo pa nga n'yan eh higit bente pesos ang pasobra ko. Hindi pa kasi ako kumakain ng agahan at tanghalian kahit halos alas-tres na ng hapon noong makarating ako sa Junction. Kaya hindi mo rin ako masisisi kung natukso man akong tumuhog ng sais-pesos na pisbol, bumili ng tagsa-sampung pisong bananacue at aksidenteng mapainom ng Sarsi na nagkakahalagang nuebe pesos. Aksidente dahil napatayo lang naman ako sa harapan ng tindahan nang bigla namang alok ng tindero ng maiinom. Tyempong uhaw din naman ako kaya nagkusa ang bibig kong sambitin ang mga salitang "Magkano ang Sarsi?", "Nuebe" ang sagot ng tindero sabay tanggal ng tansan kahit otso pesos lang ang natitirang barya sa mga palad ko. Nagkanda-letse-letse na't nadamay na nga ang pamasahe ko. Isinuko ko na lang ang piso dahil ayoko rin namang mapahiya sa mga kasabay kong mukhang aksidente lang din na napabili sa mamang 'yun na ipinanganak ata talagang effortless pero epektibo ang pagse-salestalk.

Pagkatapos kong balikan ang mga eksena at magsisi ng tatlong segundo, bigla namang atake ng dighay ko. Muli'y nalasahan ko ang Sarsi na s'yang dahilan kung bakit kulang ng piso ang pamasahe ko para sa huling jeep pauwi sa'min. Habang abala ako sa pagbabalik tanaw sa mga pangyayari sa nakalipas na ilang oras, kasabay din noon ang pag-iisip ko kung paano makakalusot ang kulang-ng-piso na pamasahe ko. At bago pa man mawala ang lasa ng Sarsi galing sa dighay ko eh alam ko na ang diskarte. Nakumpuni ko na't napagtagpi-tagpi sa isip ko kung paano makakalusot sa tsuper. Papara muna ako, sabay swabeng abot ng pamasahe. Siguradong huli na n'ya malalaman na kulang ng piso ang ibinayad ko. Tama, ganun nga. Simple, pero mukhang epektib.

Kumbinsidong-kumbinsido na ako na gagana ang plano ko habang hawak ko sa kaliwang kamay ang pamasahe kong puro barya; apat na mamiso, tatlong plata at isang sampung pisong buo. Paulit-ulit kong tinitingnan, paulit-ulit kong binibilang. Hindi ko rin alam kung umaasa ba ako na bigla na lang may tutubong piso sa kamay ko tulad ng ginawa kong pagpapaasa sa sarili ko bago ako sumakay ng jeep ay makakapulot ako ng piso, o kinakabahan lang ako kaya panay ang sulyap at bilang ko sa baryang hawak ko.

Kapag mamalasin ka nga naman, bigla-bigla ay may isang manong na kumakain ng sangkatutak na kanin sa gilid ng daan ang biglang tatango sa'yo. Ako naman 'tong gago, eh di tumango rin ako, may kasama pang ngiti. Paglampas ng jeep sa tulay sa Quisao (isang baranggay sa bayan ng Pililla), kasabay ng pagkawala ng imahe nung bwisit na manong, ay biglang bilis naman ng mga pangyayari. Tumalbog ang jeep. Lumuwag naman bigla ang pagkakahawak ko sa baryang pamasahe. Gumulong, tumama sa bag na nakapatong sa hita ko, gumulong ulit at tuluyan nang nahulog sa kalsada. Tiningnan ko agad ang barya sa kamay ko kung magkano ang nahulog. Kumpleto ang apat na mamiso, ganun din ang tatlong plata. Mabilis ang pagrereak ng bunganga ko para sabihin agad sa tsuper na itigil ang jeep dahil may nahulog. Mas mabilis naman ang utak ko para maisip agad bago pa ako makapagsalita na okay lang 'yung pisong kulang sa pamasahe, pero kapag onse pesos na, buong pagkatao ko na ang ipapahiya ko kaya dapat lang talagang bumaba ako at hanapin ang nahulog na sampung pisong buo na magliligtas sa pagkatao ko.

Mapagkawang-gawa rin 'tong nasa tapat ko dahil nakisigaw din s'ya na may nahulog. Akala n'ya ata eh kung anong mahalagang bagay. Tumigil naman ang jeep at bumaba agad ako. Mabilis naman akong nakababa, teka, nasabi ko na bang nasa dulo ako? Oo, nandun ako sa paboritong spot ko. Medyo malayu-layo na rin ang naitakbo ng jeep, pero buo ang loob ko na hanapin ang baryang may mukha ni Mabini at Bonifacio. Dahil nga sa layo ng pinagbagsakan ng barya sa jeep, at depende pa sa kung gaano ko kadaling makikita ang barya ang bilang ng segundo para muli akong makasakay, napagdesisyunan na ng drayber na iwan ako. Gusto ko sanang habulin ang jeep mala-Sancai kahit medyo napahiya ako sa ginawang pang-iiwan ni manong. Pero naisip ko na huwag na lang dahil pabor na rin sa'ken ang nangyari. Bukod sa hindi na ako mahihirapang dumiskarte kung paano mailulusot ang kulang na piso, kapag sumakay ako sa panibagong jeep, lalabas na nakatipid pa ako ng katorse pesos mula sa pamasahe kong kulang nga ng piso.

Sa huli, pinanood ko na lang ang jeep na unti-unting nawawala sa paningin ko habang tinitimbang ang panig ko at ni manong drayber ukol sa insidente. Pagkatapos kong timbangin ang mga pangyayari, lumalabas na sa mata ng mga pasaherong lulan ng jeep na 'yun ay isa pa rin akong kriminal at modus ko lang ang nangyari para swabeng maisakatuparan ang Criminal Act 123.

Ibinili ko nga pala ng dalawang Hansel pagkauwi ng bahay 'yung katorse pesos na aksidenteng natipid kapalit ng dignidad at prinsipyo ko.

13 comments:

  1. isipin mo na lang na paunang regalo ni sweet baby jesas sa'yo 'yang katorse pesos na 'yan para sa fathers day.

    eto pa pala, pag pinapakain ko 'tong mga isda mo dito e kumikita ka ba? kung oo, may utang na loob ka sa akin. ..pero 'wag mo ng intindihin 'yun.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Pakiramdam ko nga dapat ako ang magbayad sa mga isda dito, eh. Kung hindi kasi dahil sa kanila, wala nang babalik at bibisita dito sa blog ko. Hehe!

      Delete
  2. hahah ayos ang modus este experience .. XD

    minsan nakikiayon na din sa atin ang pagkakataon. lol

    ReplyDelete
  3. Hehe em not a fan. :dead-time reader lang:
    Best Piece ata ito among sa mga previous na nabasa ko. :-)

    ReplyDelete
  4. Uy may fishy fishy. Masusubukan at madadaanan talaga ang ganyang pagkakataon sa ayaw at sa gusto mo. happy fathers day kay erpats=)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Sobrang tagal na ng mga isdang 'yun dito sa blog ko. Ngayon ka lang siguro ulit bumisita. Hehe!

      Delete
  5. hahah akalain mong pwede a talaga o... gumawa ka na kaya ng libro.. ahhahaa

    ReplyDelete
  6. Ngayon lang nag desktop=) Di ubra ang mga fish sa mumu kong cp.

    ReplyDelete
  7. seryoso, isa 'to sa pinakapaborito kong shit na inilabas ng nagtataeng utak mo. kainaman!

    ReplyDelete
  8. Haha style! Effective! Parang si Sharon Cuneta lang noon sa pelikula na kulang ang pamasahe sa bus kaya nagkunwaring lumampas tapos sya pa ang galit LOL... Wag lang sana maulit baka makahalata sya haha

    ReplyDelete
  9. Medyo busy na 'ko sa pag-pasok sa skwelahan, pero eto ako't binabalik-balikan ang paborito kong blog. The best ka talaga Goyo! :))

    ReplyDelete