Pages - Menu

Thursday, July 19, 2012

Love Team

I. Exordium

Tipikal at pangkaraniwan lang naman ang kwento ng pag-ibig natin sa ginagalawang henerasyon bilang mga kabataan mula sa makabagong panahon. Nagkatagpo ang landas sa isang lugar na hindi pa rin tanggap ng mga naunang ang isip ay nakakahon pa rin hanggang ngayon. Nagkakilala sa hindi inaasahang pagkakataon at kalagayang kung tutuusin ay hindi naaayon. Ang nais lang naman ay magsaya, magkaroon ng bagong kakilala, makakasama at tropang makakakuntsaba. Hindi naman tayo gangsta, pero parang
young, wild and free ang naging tema. Parang indie film na gawang Pinas ang timpla, pero sa'tin lang umiikot ang istorya.

II. Synopsis


Mapalad na nagsimula tayo sa wala. Hindi masyadong nakakailang ang maglahad ng mga istoryang palpak, wasak at medyo kinulang sa saya noong simula. Mas nagkakilala. Mas naging kaiga-igaya ang tanawing nakikita nang magkasama.


Ang bawat pagtatagpo't pagtakas sa kani-kaniyang mundo ay unti-unting naging proseso ng pag-iisa ng magkaibang ibayo. Parang pinaghalong isoprophyl alcohol at tubig poso, magkapares na Havaianas at Rambo, DQ at sorbetes sa kanto. Sa artista naman bilang mga artistahin naman talaga tayo, saktong Juday ka lang, ako 'yung Piolo. Hitsura ang kinuha ko, hindi kabaklaan. Kaya ikaw na nagbabasa, huwag ka na munang sumingit, taga-hanga ka lang. Kung gusto n'yo namang itanong kung bakit Juday, 'yung bilog ng mukha ang pinagbasehan ko, kuha n'yo naman siguro.


Ang produkto ng rebelyon at lambutsingan na noong una'y hindi sigurado kung may patutunguhan ay naging malinaw. Hindi man abot sa antas ng dakilang pagmamahalan na mukhang sa mga libro at tabloid na lang matutunghayan, magkasama pa rin naman tayong sumasabay at nakikipagsayaw sa bawat galaw at hampas ng banayad na karagatan. Hindi man makaragasa, lagi pa rin namang swabeng nakakalusot sa mabababaw na gusot. Literal na kahit walang kumot, handang pag-initin ang mga damdamin gamit ang katawan bilang pambalot. Nangangahulugan lang na hindi kailangang magsangkot pa ng iba para ang gulong ng relasyon ay umikot.


Hilaw pa rin kung hihimay-himayin ang bawat atraso sa mundo na sabay nating inareglo. Hindi sapat ang dingas ng mga problemang kinaharap para patunayan na ang ating karanasan ay hinog. Sa katunayan, mga sarili lang natin ang gumagawa ng mga bagay na sa huli'y nakangawa't ngarat pa nating nireresolba't binibilog. 
Wala pa mang gaanong malalalim na sugat ang humiwa at sabay nating pinaghilom; bilang man ang mga pasang lumatay na hindi natin ininda at kusang naglaho. Kahit sinong matimatiko ang sumuma, sa karkulasyon ay lalabas pa rin tayong kasya at sukat sa isa't isa. Ang akalang hindi saktong timing ng tadhana, swak, butas at luwa ang matang kinana ni Kupidong mahilig pumana. Pero sabi nga ni inay, bawal muna ang galawang parang indiyan panang, ummm, kakana-kana.

III. Conclusion


Labin-dalawang buwan na ang lumipas, tulad ng mga nakasaad sa itaas, mababaw lang naman tayo. Hindi naman big time ang problema, ikaw lang naman 'tong laging tamang hinala. Lagi kang nagpapadala sa maling akala. Dahil din siguro doon ay mas lalong lumakas ang tama. Mukhang hindi normal, pero lalo ko lang natutunan sa sarili ko na mas gusto ko 'yung medyo kinakawawa. Bonus na lang siguro ang katotohanang ang ganoong set-up ay hindi masyadong nakakasawa.


Nadagdagan ang bigat ng dating sa isa't isa. Hindi na tayo basta-basta. Hindi naman ikaw 'yung pangarap kong gelpren, at alam ko rin naman na mas lalong hindi ako 'yung ideal sa'yong boypren. Marami tayong ayaw sa isa't isa, hindi pa nga masagot ng diretso kapag tinanong kung bakit mahal ni Dong si Day, ni Day si Dong. O sadya lang na kahit halata naman ay ayaw pa rin nating magpahuli sa isa't isa. Ayaw magkaalaman kahit alam na alam na. 'Yun siguro ang sikreto, parang patis at sili na sawsawang paborito.


IV. Convallis Statement


Dumating man ang panahon na tayo'y singilin at kikilan ng tadhana sa mga kasalanang nagawa noong simula, mahirap man bigkasin ang salitang peksman, gagawin ko pa rin ang lahat maipagtanggol lang ang sayang kawangis ng kapirasong langit dito sa lupa. Bumuhos man ang lungkot at tuluyang bumaha, hinding hindi naman tayo magpapalunod sa luha. *Nuks


V. Appendix


Pakiramdam ko'y obligasyon kong ipaliwanag kung anong meron sa larawan ng isang pilas ng pahina galing sa notebook na may nakaguhit na bus at dalawang taong nakapaloob sa loob ng isang puso. Teka, heto na.


Ang larawang nasa itaas ay iginuhit ko noong mga panahong naglalandian pa lang kami ng dyowa kong si Yna sa kadahilanang hindi ko rin alam. Ang natatandaan ko lang ay sumakay kami noon sa isang bus byaheng Laguna kahit walang eksaktong lugar na pupuntahan. Pagkatapos makikain sa isang Jollibee store sa parteng Laguna na hindi ko na rin matandaan kung saan eksakto sa lalawigan na 'yun, ay bumalik ulit kami pa-Maynila sakay ulit ng bus at tumambay sa isang mall. 'Yun lang ang kwento ng picture na hindi ko naman akalain na magkakatotoo. Kasi tsong, first anniversary na nga pala namin ngayon.

VI. Epilogue kuno. Pasingit lang naman talaga.


Diretso at tuloy-tuloy pa rin lang ang pakikipaglambutsingan ko kay Yna at sa mga drama namin sa buhay. Sa kasamaang palad naman sa kabilang banda na hindi masyadong mahalaga, may mga bagay na hindi kami mapagkasunduan ng internet kaya makikipagkalas na muna ako sa kanya na pangalawang dyowa ko na. Dito na lang muna: @AlxsGtrrz


7 comments:

  1. ah wlang pumansin haha :) you know me LOLS>

    ReplyDelete
  2. Putang inang anon na nagkoment, mamatay na sana! Lols. Hanggang ngayon ba naman, girl, hindi mo pa rin matanggap? Charice!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Ayus happy anniversary pards enjoy lang ang bawat moment with your dyowa! Sarap talaga ang maging pbb teens!

      Delete
  3. ang dami pang sinabi. dumugo pa utak ko sa pagbabasa. basta nagmamahalan kayo. yun na yun. happy first anniversary. =D

    ReplyDelete
  4. Dati hindi ko bet 'tong love affair na to. Ngayon bet ko na! I approve. Hi Yna! Kilala mo ko! So stalker na ko. :D

    ReplyDelete