Pages - Menu

Saturday, September 8, 2012

Lola's Boy

Siguro nga'y mapalad akong maituturing dahil lumaki ako ng sobrang laki na may lolang nagmamahal. Ibinase ko ang pagiging mapalad ko sa aspetong 'to sa mga palabas na napapanood sa telebisyon kung saan e laging masamang tao ang papel ng mga lola. Base na rin sa katotohanan na marami sa atin ang hindi na naabutan pa ang mga lola nila. Bukod dito, mapalad naman talaga akong tao dahil malaki ang kamay ko.

Buong kabataan ko ay si lola ang kasama namin dahil nagtatrabaho pareho si nanay at tatay. Laki at alagang lola 'ika nga nila. Higit dito, buong buhay ko ay nasa pangangalaga ako ng lola ko. 'Yung pangangalaga na alam mong bukod sa mga magulang at kapatid mo ay meron pang isang tao na higit na nagmamahal sa'yo. Ganun si lola, kahit sobrang simple at payak lang.

Sa tuwing dumadalaw ako sa bahay nila, hindi pa ata nagmintis si lola sa pag-aalok sa'kin ng pagkain, mapaagahan man, tanghalian, lalo sa meryenda. Kahit wala namang perang madudukot sa bulsa, pagkalipas lang ng ilang minuto ay may dala na s'yang softdrinks at tinapay na inutang pa sa tindahan. Para na rin sa kaalaman n'yo, si lola lang ang tanging tao na hindi pumigil sa pagkain ko. Papakainin ako n'yan kahit ilang beses kong igiit na busog ako. Ni hindi nga ako sinabihan ni lola na mataba ako. Basta ang mahalaga lang sa kanya ay makitang busog ang apo n'ya.

Mula pagkabata, parang naging ritwal ko na ang paghingi ng pera kay lola kahit may pera naman ako. At mula noon hanggang ngayon ay ganun pa rin ang halaga ng perang hinihingi ko; piso, tres, lima, hanggang maging sampu, pinakamalaki na ang bente. Ito rin ang dahilan kaya nga ba kung minsan ay hindi ko talaga maiwasang isipin na ako ang paboritong apo ni lola. Kapag kasi inabutan ako ng bente pesos, may kalakip itong bilin na huwag ko na lang daw sabihin sa kapatid ko na bente pesos ang bigay n'ya. Bilang masunuring apo, syempre mananatiling lihim 'yun. Ganito magpakita ng favoritism si lola, sikretuhan lang.

Wala akong maalalang tagpo sa buhay ko na nagalit si lola sa'kin dahil sa kakulitan ko o kung ano pa mang gawi ko noong bata ako. Kung meron man sigurong araw na pinagalitan ako ni lola noon, hindi ko na talaga maalala o natabunan na ng mga alaalang puro pagmamahal ang laman mula sa kanya. 'Yung mga simpleng pangangamusta kung kumain na ba ako, hindi pa man naghahaing ng makakain si lola ay nakakabusog na. 'Yung mga tanong n'ya lagi kung kailan ako dumating sa tuwing magkikita kami, hindi man direkta ay alam ko namang may kalakip na mensaheng nagsasabing namiss n'ya ako. 'Yung mga baryang galing sa kanya, maliit man ang halaga ay may katumbas namang pagmamahal na walang makakapantay. 'Yung kapag niyayakap ko si lola at nilalambing, kahit parang nahihiya s'ya, mababakas naman sa mga kilos n'ya na masaya s'ya. Higit sa lahat, ang pagmamahal ni lola sa akin bilang apo n'ya na walang salita ang makakapaglarawan at paliwanag.

'La, nakakatampo lang na hindi mo man lang hinintay na maipasyal kita. Pero mas naiinis ako sa sarili ko na hindi man lang kita nadalaw noong huling uwi ko noong nabubuhay ka pa. Sobrang biglaan naman kasi, 'la, bakit ganun? 'La, paano na 'yan kapag pumunta ako sa bahay n'yo at wala kayo doon sa salas, nakahiga at nanonood ng mga paborito n'yong palabas hanggang sa makatulog? Paano na 'yan kapag pumunta ako doon sa umaga, hindi ko na maitatanong kay Tito Rey kung nasaan ka? Paano na 'yan kapag walang pagkain sa bahay at kayo lang ang matatakbuhan ko para makakain ako?

'La, sorry din nga pala, kasi hindi ko natupad 'yung promise ko na uuwian kita ng hamburger galing sa Jollibee noong nagkausap tayo sa cellphone.

'La, mahal na mahal kita at mamimiss ko ng sobra ang pagmamahal n'yo. Maligayang paglalakbay patungo kay lolo at sa pagmamahalang walang hanggan. Pasabi na lang din kay lolo na sorry kasi umuwi ako dati noong ililibing na s'ya. Sana may tv d'yan, para makapanood si lolo ng boxing at PBA, kayo naman eh ng mga dramathon sa hapon at gabi. Pabati na rin sa mahal naming kapatid. Mwah. Tsup. Tsup!

5 comments:

  1. ramdam ko eto....
    nranasan ko n rin isa rin kc ako sa mga lola's boy.
    nkita ko sarili ko sa post n eto...

    ReplyDelete
  2. di ako naging close sa lola ko or sa lolo from both sides. pero nakakatouch na may mga tulad mo na nagpapahalaga sa mga nakatatanda. feel na feel ko habang nagbabasa nito yung love and longing mo for your grandmother.

    ReplyDelete
  3. Replies
    1. I miss you too, Kuya Mart. Painom ka naman, lapit na birthday mo oh.

      Delete