Pages - Menu

Tuesday, October 30, 2012

Pink Ranger

Hindi ko na maalala kung anong pelikula 'yung nakasalang sa bus. Basta patayan, tapos karera sakay ng mga armadong sasakyan. Tama, karerang may patayan ang tema ng pelikula. Tulad ng dati, nabitin na naman ako sa panonood pagdating ng bus sa Junction. At tulad pa rin ng dati, 'matik na sa tuwing bababa ako sa lugar na 'yun pagkatapos ng isang mahabang byahe ay maghahanap ako ng pupwestuhan para ilawit ang dapat ilawit sa pag-ihi. Dalawa ang pagpipilian ko. Una, 'yung SeaOil na ako pa ata ang nakabinyag sa bago nilang inidoro. At 'yung isa naman ay bakanteng lote na sa kabilang bahagi pa ng kalsada matatagpuan. Mas pinili ko 'yung bakanteng lote kahit medyo abala pa ang pagtawid sa kalsadang hindi malinaw kung may tawiran ba talaga. May masama akong reputasyon sa SeaOil, kaya sa tingin ko ay tama lang ang ginawa kong desisyon.

Pagkatawid sa kabilang bahagi ng kalsada ay hindi agad ako dumiretso ng pag-ihi sa bakanteng lote slash paradahan ng mga jeep. Naisipan ko pang bumili ng isang boteng softdrinks, syempre may kaparehang isang stick ng sigarilyo. Ikinatwiran ko na lang sa sarili ko na iinom na muna ako at magpapahangin bago umihi, tutal ilalabas ko rin naman kaya hindi magiging abala sa susunod ko pang byahe ang dami ng likidong maiimbak sa pantog ko.

Hindi naman siguro masama kung ilalarawan ko ang mga sandaling 'yun ng pagtambay ko sa gilid ng isang bilyaran habang nagsisigarilyo, nagpapalamig at nagmamasid ng mga istudyante, bilang isang natatanging araw kung saan ay maaliwalas ang paligid at parang masaya ang lahat ng tao. Overkill masyado kung sasabihin kung perpekto ang mga tagpo, pero parang ganun na nga, 'yun ay kung ikukumpara ko ang araw na 'to sa iba pang mga araw na napadpad ako sa lugar na 'yun. Isipin mo na lang siguro na katumbas 'to ng pagtambay mo sa Starbucks, mas tipid nga lang ako.

Nangangalahati na ako ng pag-inom sa hawak kong bote ng Sprite, kalahati na lang din ang natitira sa hawak kong sigarilyo. Ibig sabihin, may kulang tatlo hanggang apat na minuto na lang ay ilalawit ko na ang etits ko sa pader para magbawas ng likido sa pantog ko. As expected, dito na papasok ang climax ng kwento. Huli mo na dapat 'yun kung regular kang bumibisita dito.

Pagkabuhat na pagkabuhat ko sa braso at kamay ko para isubo ang sigarilyo, kasabay naman nito ang paglabas ng isang matandang babae mula sa isa sa mga nakaparadang jeep sa bakanteng lote. Normal na matandang babae lang naman 'yung nakita ko, hanggang sa magbago ang timpla ng mood ko habang papalapit na s'ya. Bigla akong nalito at hindi makapag-isip ng maayos. Para akong naipit sa loob ng isang korte, nagtatalo ang isip ko kung sasabihin ko ba o hindi ang nakikita ko. Mabagal maglakad ang matandang babae, mukhang nasa edad singkwenta'y siete pa lang naman, pero may kalakihan kasi ang katawan. Dahilan 'yun para mas lalong maexpose sa'kin ang nakalawit na kaliwang suso n'ya sa siwang ng damit n'ya. Hindi ko rin maipaliwanag kung paanong nangyaring lumabas ang malaki n'yang suso na inpernes ay hindi maitim ang utong. At mas lalong hindi ko talaga kayang ipaliwanag kung paanong nangyaring hindi n'ya napansin o naramdaman man lang na parang may mali sa kanya.

Lalong lumalapit ang matanda sa sidewalk, mas lalo naman akong hindi makapag-isip. Hindi ko naman matiis na hindi tingnan. Kapag hindi ko kasi sinabi, makukunsensya lang ako at baka bangungutin pa ako kapag medyo napahiya s'ya oras na mas maraming nakakita ng kaliwang suso n'yang nagmayabang sa sidewalk. Ang mas malaki ko pang problema, hindi ko makumpuni ng maayos at magalang ang mga salitang sasabihin ko para ipaalam sa kanya na nakalawit at palambi-lambitin ang suso n'ya. Mahirap din naman kung ingunguso ko na lang o ituturo sa kanya dahil nangangailangan 'yun ng isang malinaw na eye contact, na medyo malabong mangyari dahil mukhang malabo rin ang mata n'ya. Napahits ako ng todo sa sigarilyo, bumuga ng todo tapos ay lunok ng laway.

Isa na 'to sa pinakamatagal na minuto ng buhay ko. Hindi lang basta matagal, dahil isa rin 'to sa pinakamahirap na desisyong gagawin ko sa tanang buhay ko. Handa na ang mga salita, segundo na lang nalalabi, pabilis na ng pabilis ang takbo ng mga eksena, heto na't sasabihin ko na kay nanay na nakalabas ang kaliwa n'yang suso na malaki pero hindi maitim ang utong... hindi pa man lumalabas sa bibig ko ang mga unang salita, pinutol agad 'to ng isang babaeng halos katapatan ko lang ng pwesto sa pagtayo. "Tiya, nakalabas...", sabay turo sa nakaluwang suso ng matanda. At ako, nakatulala lang ako sa suso. Tumungo na lang ako ng bahagya noong ipinasok n'yang muli ang kaliwang suso n'ya sa loob ng kikay at pahamak na damit n'ya. Kinalimutan ko na rin ang pag-ihi, at pasimpleng umalis pagkalampas n'ya.

Narito nga pala ang ilustrasyon ng lugar para mas maging klaro ang lahat.

(N) - Si nanay na nakalawit ang kaliwang suso habang naglalakad sa bilis na 0.12 centimeter per second.

(F) - Si friend ni nanay at saviour ko naman, na buti na lang kamo saktong-sakto ang timing ng pagtunghay.

(G) - Kawawang Goyo, na minolestya at ginahasa ng pagkakataon. Walang kalaban-laban na bata. Na-trauma, at ngayon ay takot na sa mga ligaw na suso.

2 comments:

  1. nakaka aliw naman itong kwento mo... sabagay hirap nga ng ganyan... saka nakaka ilang din kasi di mo alam kung ano ba ang gagawin o paano sasabihin kay nanay na nakalabas ang di dapat nakalabas hehehe

    kaso dapat di pinipigilan ang pag ihi... baka sumakit ang pantog....

    nice post

    ReplyDelete
  2. hahaha .. that life changing moment #tanginathis

    lolz :)

    ReplyDelete