Pages - Menu

Friday, November 23, 2012

Maikling Kwentong Ex

Artistahin ako, walang duda dun. At hindi talaga nakapagtataka na ako ang unang taong maiisipang kausapin ng kahit sinong Facebook friend ko. Biro lang. Pero 'tong partikular na taong 'to, simula noong mawalan ata ng trabaho at makipaghiwalay sa dyowa n'ya, plus ang pagkakaroon ng maraming oras na nakatunganga sa harap ng computer kahit puro Facebook lang naman ang ginagawa, eh hindi pa ata nagmimintis sa pagpindot sa pangalan ko sa tuwing magkakasabay kaming online. Simple lang ang bungad n'ya lagi. Sa sobrang simple, nakakatamad replyan. Hindi ako 'yung tipo ng tao na nagpapakasuplado kahit sobrang gwapo, lalo sa Facebook chat. Ang ending, tutugon ako sa bawat pagpapapansin n'ya at pipilitin ang sarili na may mga bagay na dapat kaming pag-usapan at malaman sa isa't isa kahit wala na.

Naka-ready na ang pangonyat ko sa'yo kung saka-sakaling hindi mo pa rin alam na isa sa mga babae ko, ang ibig kong sabihin, isa sa mga naging kasintahan ko ang tinutukoy ko sa itaas. Naging syota ko s'ya (ang totoo'y ayaw na ayaw n'ya 'yung salitang "syota" kaya 'to ang ginamit ko ngayon) noong fourth year highschool ako. Third year naman s'ya. Sa lahat ng naging babae ko, s'ya ang pinakamatagal kong niligawan. Hindi naman kasi uso sa mga gwapong katulad ko ang ligawan, dapat alam mo 'yan. Kung hindi, ayoko mang sabihin pero panget na mabait ka siguro. Tatlong buwan tumagal ang ligawan namin. Hindi lang 'yun! Sa bahay pa ako nanliligaw 'tol, at hindi pa uso ang unlimited kitekitexting noon. Sagabal din na magkaiba kami ng pinapasukang eskwelahan. Nakakalungkot mang sabihin, pero dalawang buwan lang bilang magkasintahan ang nakayanan ko. Nakipaghiwalay ako sa ikalawang buwan namin bilang magsyota. Ang dahilan? Magkokolehiyo na kasi ako noon at natatakot akong masaktan ko lang s'ya dahil alam na alam ko sa sarili ko na dadagsa ang babae sa buhay ko oras na mapadpad ako sa Maynila. At nagkatotoo nga tulad ng inaasahan. Pati nga mukha ko dinagsa ng taghiyawat eh.

Walong taon na rin naman 'yung lumipas sa naging relasyon namin. At higit kalahating dekada na kaming hindi nagkakausap na sobrang normal lang lalo't may mga sari-sarili ng lovelife. Pero kasi, ang hindi ko talaga maintindihan ay kung bakit parang wala ata kaming naging koneksyon noon. Hindi ko maisip kung anu-ano bang mga interesanteng bagay ang pinag-uusapan namin dati, bukod sa mga pambobola na binitawan ko. Maganda s'ya at mabait talaga, pero parang hindi ko na kayang tumagal kahit dalawampung minuto lang na pag-uusap. Kahit ang simpleng kamustahan walang dating. Ayokong isipin, pero masyado lang siguro akong naging cool para sa kanya kaya ganun.

Nga pala, habang idinadaldal ko lahat ng nakasulat sa itaas ay biglang nagtext 'yung babaeng tinutukoy ko. Ipasa ko raw sa dalawampu't limang katao ang mensaheng nagsasabing mahal ko si Papa Jesus. Magandang umaga sa inyo.

1 comment:

  1. nagbago na kasi kayo pareho kaya di na kayo match ngayon. maybe. =D

    ReplyDelete