Pages - Menu

Monday, December 10, 2012

Teleserye

Nagmukha kaming mga supot at uhuging high school student na hindi pinayagan ng mga magulang na makitulog sa bahay ng kaklase pagkatapos naming indyanin ang naka-planong reunion slash eksmas parti nitong nakaraang Sabado. Ang totoo'y hindi talaga pinayagan 'yung isa kong kasama na si Bubin. May obligasyon naman sa hospital si Kuntel. Ako, libre pero tinamad na ring pumunta dahil nakakatamad naman talagang bumyahe nang mag-isa. Kahit gustung-gusto ko talagang makita ang mga dating kasama sa boarding house, nanaig pa rin syempre ang katamaran. Kung totnak pa siguro 'yun, malamang kahit bagyo suungin ko. At dahil sa pagkabitin sa mahaba-haba sanang inuman, inimbita ko na lang "like a sir" ang tatlo sa pinaka-matatalik kong kaibigan sa mansyon ko. Kasama sa tatlong unggoy na pinadalhan ko ng imbitasyon si Bubin na mukhang napagtripan lang ng nanay n'ya noong araw na 'yun kaya hindi pinayagang dumalo sa eksmas parti ng mga dating Dota boys at mga propesyunal na mamboboso sa isang boardinghouse sa itaas ng Ministop sa kalye ng P. Campa, Sampalok, Maynila. Oo, mayroon dati roon, at talagang sawa kami sa panty at bra ng matatabang boarders doon.

Walang kakwenta-kwentang usapan pa rin tulad ng dati. Nauubusan na nga kami ng mapapagkwentuhan sa tagal na rin naming magkakakilala sa totoo lang. Malaking bagay din na halos pareho-pareho kaming apat na hindi pa nakakawala sa buhay palamunin kaya wala talagang mga bagong kaganapan sa buhay ng isa't isa. Ang ending, pinag-usapan na lang namin ang buhay ng mga ulupong na kung tutuusin ay halos wala naman kaming mga pake, pero masarap pagpyestahan noong gabing 'yun kaya pinatos na rin namin bilang pulutan. Mga tsismoso ang mga walang hiya. Buti na lang nga kamo at Sabado ng gabi kami nag-inuman, dahil kung Linggo ng gabi 'yun, malamang inumaga kami sa pagtatalo kung sino ang mas gwapo kay Pacquiao at Marquez.

Natapos ang inuman ng matiwasay tulad ng mga nakaraang inuman na pagkatapos makaramdam ng antok ay bigla kang mapapabulong na sana ay hindi ka na lang lumaklak ng Empi noong gabing 'yun. Sumibat agad si Jack sa bahay nila. Kaming tatlo naman nila Bubin at Koyak ay dumiretso sa pinaka-sosyal na burgeran sa bayan namin para bumili ng footlong. Pagkatapos kumain ay lumipat kami sa katabing burgeran para tumambay at mag-chill ala mga conyong peeps sa Starbucks tuwing dis-oras ng gabi. Tamang yosi break kuno with tag-iisang bote ng Sprite. Napaka-sosi.

Sabihin na lang natin na medyo kakaiba ang gabing 'yun dahil nanlibre ako. Higit sa lahat ay parang natuldukan na ang mga kwentong lasing ni Koyak tungkol sa ex-gelpren n'yang si Pascual. 'Yun ang akala ko, ni Bubin at higit sa lahat ang na-shock, tulo sipon, biglang nalasing, tumameme, nakaramdam ng sakit ng tiyan, uminit ang punong tainga at talagang badtrip na si Koyak. Para maging klaro ang lahat, ganito ang nangyari. Pumunta kami sa burgeran para kumain at magpakabusog tamang bangungot pagkatapos mag-inom noong gabing 'yun. (Sa sobrang bait ko, inulit ko pa para sa inyo 'yung nasabi ko na kanina pa. Wala bang salamat d'yan?) Mga sarili at pera lang ang dala namin. Itsurang basahan ang postura. Mga mukhang walang kinabukasan sa papogian. Tapos, habang nagpapababa kami ng kinain gamit ang mga subong Marlboro ay may pumaradang kotseng pula sa tapat namin, kalbo ang drayber, at kasama si Pascual na higit limang taong naging syota ni Koyak, kung ilang taong niligawan, pinaglaban ng patayan at sabunutan, at halos isang taon nang pilit kinakalimutan. Okay lang ba 'tol kung sa'yo mangyayari 'yun sa pinaka-hindi ka handang pagkakataon?

Napaantanda na lang kami ni Bubin dahil sa eksenang 'yun para sa tropa naming si Koyak.

4 comments:

  1. mahabahabang kwentuhan, inuman, batripan. Teleserye nga..

    magandang araw sir goyo :) maigi nama't hindi tamang digmaan si koyak. Iba siguro ang magiging eksena kung sa aking mangyari ang karanasan ni koyak :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Sabihin na lang natin na marunong din mag-isip si Koyak. Alam n'ya na lalo lang s'yang magmumukhang kawawa kapag nagsimula s'ya ng gulo.

      Ano bang karanasan mo? Ikwento mo naman. Hehe!

      Delete
  2. awts.. pagkakataon nga naman..sumakto pa si pascual sa pag eemo ni koyak,, :(

    parng teleserye nga..

    ReplyDelete
  3. solb sana 'yun kung may action scenes pero mas swabe nga naman kung hinayaan lang 'yung sitwasyon.. sa tingin ko, dapat hangaan 'yung mga may ganu'ng klase ng takbo ng utak.. fist bump mo ako kay koyak.. hehehe

    ReplyDelete