Pages - Menu

Saturday, March 9, 2013

Mamang Kaskasero

Hindi ko p'wedeng basta sabihin na binangga mo ang kapirasong laman sa kaliwang bahagi ng dibdib ko. Dahil unang-una'y ako naman talaga ang bumangga sa'yo. Hindi rin aksidente, 'pagkat ako mismo ang may gusto. Nakangiti pa nga ako noong kinabig ko ang manibela patungo sa direksyon mo.

Takot din naman ako tulad mo. At sa takot ko nga'y tinakpan ko pa ang mata't nagbulag-bulagan pagkakita sa karatulang nagsasabing maging banayad at marahan. May mga namatay na raw sa lugar na 'yun, pero sino ba ang batas trapiko para santuhin ko.

Ayoko nang lokohin ang sarili, nahihilo't sawa na ako. Sige, aamin na. Sinadya kong mawalan ng preno. Nagpadalus-dalos at naging kaskasero. Pero tulad nga ng naunang sinabi ko, ginusto ko 'to kahit paubos na ang gasolina at hindi pa naman ako lisens'yado.

Bahala na sila! Lagi kong pagtatanggol sa sarili ko. At bakit ko pakikinggan ang busina ng iba? Kung ang mahalaga lang nama'y samahan mo 'ko sa special trip na 'to.

Guni-guni ko lang siguro, pero masaya ako sa ilusyong malapit ko nang marating ang dulo. Unti-unti ng nawawala ang pagod ko. Nagkakakulay na rin ang mga pangarap ko. Dagli sa pagharurot, nasasabik sa'yo. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, bigla nama'y iniwasan mo.

Upod na ang gulong, hindi na rin kakagat kahit tsinelas ang ipam-preno. Sumabit, bumalanse at pilit iniisip na makakalaban. Nanghina, namatay ang makina, at mas piniling bumitaw. Tuluyan nang nahulog at biglang napasigaw.

'Tang ina! Akala ko'y pag-ibig na, malalim na bangin lang pala.

2 comments:

  1. Baka kulang lang sa gasolina yung sasakyan mo, irefill muna yan at ipagpatuloy ang paglalakbay.

    ReplyDelete
  2. ok lang yan basta may sasakyan pa arangkada lang ng arangkada! wag susuko hanggang makarating sa tamang destinasyon.

    ReplyDelete