Pages - Menu

Wednesday, April 17, 2013

Chicken Abobo

Naging chicken lang siguro talaga ako noong mga sandaling 'yun. At ginawa ko na lang dahilan ang kawalan ng bente pesos na barya pambayad sa pagpaparoo't parito ng traysikol sa lugar nila. Ano ba naman kasi 'yung magpawis ako ng isang balde para lang may mapagpabaryahan ng limang daang pisong papel. O kaya naman ay huwag nang sumakay sa traysikol at rektang nang sagupain ang galit na galit na haring araw para lang makarating sa lugar nila't tuluyan nang maisauli 'yung librong ipinahiram n'ya sa akin noong nakaraang buwan pa; na pinalamanan ko pa naman ng dalawang pahinang love letter. Putsa, naisip ko na lang 'tong katangahan ko noong ngiting tuta na akong nagpapahangin ng kili-kili sakay ng jeep papunta sa dentista ko.

Totoo ngang nasa huli ang pagsisisi. Dahil pagdating ko kay aling dentista ay may isang binatang mas baboy sa akin kasama ang mga baboy n'ya ring kaibigan ang nauna na sa pila. Dalawa hanggang tatlong oras pa raw bago makalikot ang bunganga't ngipin ko sabi ni dok. Wala akong pagpipilian kun'di ang maghanap ng maiistambayan. Hindi ko alam kung swerte lang ba talaga ako noong sandaling 'yun o marami lang talagang magagandang babae sa lugar na 'yun. Dahil d'on, tumanga muna sa lobby ng hospital at nagmasid-masid. Pero wala pang labinlimang minuto, dala ng labis na pag-iinit eh nagpasya na rin akong sumibat. Isa pa'y pakiramdam ko'y nagkakasala ako sa ginagawa kong pagtingin sa alindog ng mga babaeng nakaputi at mga ahente ng gamot na pulos nakangiti.

Saktong-sakto ang lamig ng buga ng aircon para sa mainit na panahon. Bukod sa libreng kubeta, isa 'to sa kakaunting dahilan kung bakit nagpapabalik-balik ako sa kuta ng pambansang baklang bubuyog. Humanap na ako ng p'westo. Sa bandang sulok. 'Yung hindi pansinin ng mga tao. Para kung sakali mang mapuno na ang lugar, hindi agad ako pag-iinitan ng tingin at hindi ako mapupursiging tumayo na lang basta at magpanggap na katatapos lang kumain. Nakakahiya rin minsan. Medyo. Nasasayang lang kasi sa mga katulad kong tambay ang bawat matamis na bati ng gwardya at mga crew.

Pagkaupong-pagkaupo ko pa lang ay nagsimula na akong magmasid. People watching ata ang tawag dito. May magkasintahan sa gilid ko na masayang nilalantakan nang sabay ang sundae ice cream. Putsa, nagsusubuan pa ng fries. Ang sweet. Feeling ko nabitin sa lambutsingan sa kwarto 'tong mga 'to. Sa kabilang gilid ko naman ay isang mag-anak. Mukhang kaedad ko lang 'yung tatay, pero halatadong may magandang trabaho. O kaya naman galing sa may kayang pamilya. 'Yung asawa naman, mas bata siguro ng dalawang taon. Hot mommy. Sobrang puti. 'Yung tipong kahit hindi mo pa nakikita, alam mo nang walang bahid ng mantsa sa singit at kuyukot. Maganda ang palahi nitong mga batang magulang na 'to, kita naman kasi sa ubod ng puti rin nilang anak. Tumigil lang ako nang pagmamasid sa kanila noong magkaroon kami ng eye contact ni mister pagkatapos kong sumulyap sa nakadungaw na cleavage at legs ni misis. Respeto, brad. Kalmado pero may tapang na pangungusap ng mata ni tukmol.

Pagkatapos ng nakakaumay na mga eksena ng mga nagmamahalan sa paligid ko, ito namang solohistang binata na katatapos lang umorder ang napagdiskitahan ko ng tingin. Minanmanan ko ang mga kilos n'ya mula paghahanap ng mapupwestuhan hanggang sa makaupo. Malapit lang sa akin ang lamesa n'ya. Nag-antanda muna si boy tsaka iginala ng bahagya ang mata sa paligid. Handa na s'yang lumamon. Napahiya ako nung ibinuka n'ya nang todo ang bunganga n'ya sabay angat ng makapal na hamburger. Si kumag, pa-Champ-Champ na lang. 'Mantalang ako, ito naiinip, gutom, at ang mas masakit pa, hindi man lang pinapansin ng babaeng maghapon ko na atang tinetext. Bumaba ang depensa ko. At dito na ako tuluyang nilamon ng lungkot. Sumaya naman bigla lahat ng tao sa paligid ko. Lahat sila ay may nakalaan na ngiti para sa mga kasama. Hindi man tunay na masaya 'yung ibang katulad ko rin na nag-iisa, sigurado namang nakangisi ang mga tiyan nila. 'Takteng Champ 'yan na minsang pinasalubong ko roon sa babaeng nagpapaikot ngayon sa tumbong ko, kinalabit ang gatilyo ng lungkot at tuluyang ipinutok sa ulo ko.

Nga pala, nakita ko lang sa bolang kristal 'yang mga eksenang 'yan na posibleng mangyari sa loob ng Jollibee kung sakaling doon ako tatambay. Bilang boyscout naman ako dati, mas pinili ko na lang na sa katapat na 7-Eleven mangarap na magiging okay din kami ni girlaloo balang araw. Less lungkot na, more lamig pa ang aircon.

11 comments:

  1. wow keen observer ka ha... ganyan ang mga bonafide blogger, sensitive sa paligid at naghahanap ng blog material. naging successful ka sa aspeton 'to...

    tsk... mga bebot talaga, ang hirap intindihin noh? lilipas din 'yan brad! subok lang ng iba habang maaga... hehehe

    ReplyDelete
    Replies
    1. Parang gusto kong sundin 'yang payo mo na sumubok ng iba habang maaga pa. Okay, sige. Pag-iisipan ko sa birthday ko kung gagawin kong regalo sa sarili ang pagbubura sa kanya sa Facebook at cellphone ko. Haha!

      Delete
  2. akala ko totoo na, imagination lang pala. lol! pero totoo, marunong at mahilig magmanman ang mga magagaling na blogger. pag wala nang mai-blog, diyan tayo humuhugot ng inspirasyon - ang makitsismis sa buhay ng may buhay. hehe.

    hindi ko pa rin makuha papano kayo nagkabalian ni gelpren. pero sabi ko nga, mas mainam na 'yung magbate na kayo. XD

    ReplyDelete
    Replies
    1. "Bati" naman kami. Hindi na nga lang tulad ng dati. Iniwan ko na rin sa kanya 'yung mga kaibigan ko na naging kaibigan din n'ya. Hehe.

      Pero sa totoo lang, mas mainam talaga kung puro bate na lang ang gagawin ko. Tsaka kaunting pa-crush-crush. Pakiramdam ko nga nakukuntento na ako sa ganito eh. Hehe.

      Delete
  3. p.s. hindi ko mapigilang hindi pansinin 'yung kaha mo sa kanan. ilang buwan na 'yan, brad? 'yung akin, medyo maliit pa, magtu-two months pa lang. gusto ko na ngang ipalaglag sa lalong madaling panahon. mahirap kasi makipag-anuhan pag malaki tiyan. nagmumukang seesaw. mabuti na lang talaga andiyan ang panginoong john lloyd para magpaalalang butete is byutipul.

    ReplyDelete
    Replies
    1. John Lloyd talaga. Dabest eh. Nga pala, kabuwanan ko na sa Mayo. Pero mukhang hindi pa rin iimpes 'tong tiyan ko. Na okay lang naman ng kaunte dahil wala naman akong aanuhin.

      Delete
  4. Hindi nauubos ang puwedeng maisulat sa mundo. At ang isyu sa iyong girlalo, mahirap talaga intindihin ang mga babae.

    ReplyDelete
  5. grabeh! keen observant ka masyado, at madaldal talaga ang isip mo.di ako mahilig magpeople watch, kasi ayoko ng tinititigan ako. it's impolite to stare a person, you know. lels. pero pag ako nakahuli ng tumititig sakin tinataasan ko kasi ng kilay.

    at si girlaloo, tanungin mo kung me pag asa o wala kasi dapat maghanap na ng iba. baka kasi na pipressure na din sya brad.

    ReplyDelete
  6. Si Lio lang ata ang nakahuli sa huling linya ng blog post na 'to ah. Nyay!

    ReplyDelete
  7. Hahaha natawa ako dun sa pambansang baklang bubuyog - none other than dyalibi lols

    At ang maging observe talaga sa mga tao sa paligid mo ang napili mong hobby ha? XD

    Eto na naman ang glitch ng GFC, di na naman lumalabas yung update mo sa blog feeds ko... pasaway talaga lols

    ReplyDelete
  8. hahaha nadali ako dun ah.. kala ko totoo.. so mahilig din pala akong magdaydream at magwhat if sa daydream ko.. naks.. hahaha

    ReplyDelete