Pages - Menu

Thursday, May 2, 2013

Super Arte

I. Paulit-ulit kong pinakinggan ang piyesang ibinigay sa akin para paghugutan ng damdamin upang makabuo ng isang akda. Nakakainip. Nakakaantok. Nakakatamad pala. Wala akong mapiga sa ulo ko. At mukhang wala rin akong tenga sa ganitong klase ng musika – ang totoo’y sa lahat naman ng klase ng musika. Bukas na lang ulit. Teka, hindi pa pala ako sigurado. Bahala na.

II. Basa ng pawis ang batok ko noong bumangon ako sa kama pasado alas-siyete ng umaga. Dumiresto sa kubeta para umihi, maghilamos at magmumog. Pagkatapos ay humarap agad sa computer – ni hindi man lang ako nagpasalamat sa Diyos para sa panibagong araw. Muli kong pinakinggan ‘yung piyesa ng kung sinong musikero na noong isang araw ko pa ginigiling sa kokote ko habang naghahanap sa internet ng trabahong p’wedeng pasukan ng mga tsambalerong bagitong engineer tulad ko. Hindi pa nangangalahati ang tugtog ay napahikab agad ako at napaisip na bitin ‘ata ang tulog ko. Nagtimpla ako ng kape bilang parte ng ritwal tuwing umaga, pampagising na rin. Hindi naman talaga ako nagtimpla. Binuksan ko lang ‘yung isang sachet ng 3 in 1 coffee at itinaktak ang laman sa loob ng baso, nilagyan ng mainit na tubig tsaka hinalo gamit ang kutsarita.

Paubos na ang kape. Patapos na rin ang pangalawang ulit ng kulang siyam na minutong piyesa. Hindi ko pa rin maramdaman ang kurba ng mga nota. Wala rin akong makitang trabahong maaari kong aplayan. Panget ang araw na ‘to.

III. Higit isang oras din siguro akong nakanganga sa kahabaan ng byahe dahil sa sarap ng tulog. Naalimpungatan lang ako noong magsimula nang tumaas ang araw at malasahan ko na ang sarili kong hininga. Kinopya ko nga pala sa cellphone ko ‘yung piyesa. Tutal gising na rin naman ako at hindi na ulit dadalawin ng antok, dala na rin ng pagkabagot ay muli kong sinandtrip ‘yung piyesa na hindi ko makuha-kuha. Kahit anong gawin kong pagpapanggap na may mahihita ako sa paulit-ulit na pakikinig ay wala pa rin talaga. Naba-blangko ako. Hindi ako makapag-focus. Akala ko madali lang. Akala ko petiks lang. Nakakahiya, pero inakala ko rin kasi na magaling na ako. Nakaka-frustrate pala ang putang inang tugtog na ‘to.

Kasabay ng pagbabago ng bilis ng sinasakyang van ay ang pagbabago rin ng ritmo at tyempo ng tugtog. Sobrang biglaan. Walang sabi-sabi. Para akong nahipnotismo at unti-unting lumulubog sa matigas na kutson na kinalalagakan ng puwet ko. ‘Yung damdamin na pilit kong hinuhugot at hindi ko makapa sa musika, biglang tinubuan ng ulo at katawan, at nabuhay bilang isang tunay na problemang personal. Mabilis ang pangyayari. Ako mismo na nakakaranas ay hindi makasunod. Humiwalay sa kasalukuyan ang isip ko. Sunud-sunod na rin ang pagbato ng tanong ng sarili kong konsensya. Palalim nang palalim ang diskusyon. Palawak nang palawak ang tinatalakay na paksa. Tuluyan nang kinain ng lungkot na matagal nang naninirahan sa loob ko ang baluti ng pagpapanggap bilang isang matibay at matigas na tao.

Trabaho, pera, ambisyon sa buhay, palayo nang palayung mga pangarap, materyal na pag-aari, atensyon, estado ng yabang, at marami pang pansariling kaligayahan na nagbibigay sa akin ng kalungkutan. Lahat ‘yun ay naging isang halimaw na pilit tumitibag sa pagkatao ko. Ang mga tanong ay nagpanggap na liriko at tuluyang lumapat sa mabagal na duyan ng musika. Nabuhay panandalian ang tugtog pero naroon pa rin at tuluyan nang nagmantsa ang nabuong lungkot. Naging easy target ako at nagmistulang punching bag. Bawat nota ay may katumbas na bigat at sakit. Korner ako. Walang takas. Hindi ako makaiwas.

Isang malakas na suntok pa-uppercut. Sinundan ng isang right hook na binalanse pa sa kaliwa. Paulit-ulit na body blow at mabibigat na jab. At isang solidong straight sa mukha ‘rekta sa ilong bilang panapos. Ang huling suntok ay para sa katotohanang ang huling bagay na nagpapalungkot sa akin pero maaaring unang makapagpasaya ay may kinalaman sa buhay pag-ibig. Tumigil ang van, nasa Starmall na ako. ‘Tang ina pala talaga ‘yang pag-ibig na ‘yan. Kahit saan sumisingit. Kahit saan may ganap.

IV. Naging swabe ang lakad ko para sa araw na ‘yun. Nakuha ko na ang membership ID ko na ilang buwan ding nabulok sa opisinang ‘yun. Wala pa pala akong TIN. At dalawampu’t limang araw pa bago ilabas ang NBI clearance ko. Swabe naman talaga, ‘di ba? Naka-tatlong palit nga ako ng damit at isang libong mura dahil sa init ng panahon eh. Pero maniwala ka, wala pa ring amoy ang kili-kili ko.

Mag-a-alas tres na ng hapon noong makabalik ako sa terminal. Pumasok muna ako sa loob ng katabing mall para makapag-palamig at makapagbawas na rin ng tubig sa pantog. Tinitigan kong mabuti ang sarili ko sa harap ng salamin sa loob ng kubeta. Gwapo pa rin naman ako kahit walang pera, ‘di ba? Hindi sumagot ang mamang mataba sa harap ko. Lumabas na lang ako.

Mabilis akong nainip. Hindi ako napasaya ng mga bagay na maaaring makita sa loob ng mall. Lumabas din ako agad at dumiretso sa parking lot. Inilabas ang baon na tubig. Nagsindi ng sigarilyo. Nilibang ang sarili sa usok. Biglang may kumatok.

Bumalik ang ilang bagay na pinagninilayan ko kaninang umaga. Bakit nga ba wala pa ring nangyayari sa buhay ko hanggang ngayon? Akala ko magiging madali na ang lahat kapag nakatapos na ako ng pag-aaral. Hindi pa rin pala. Akala ko okay na kapag naipasa ko na ‘yung board exam. Hindi pa rin pala. Akala ko matatapos na ang pagiging istambay ko at palamunin kapag nagsikap ako nang husto sa paghahanap ng trabaho. Mas lalong hindi pa rin pala.

Sinimot ko na ang natirang ilang lagok sa binili kong inumin pagkatapos kong ibato ang puwitan ng pangalawang yosi sa pwestong ‘yun. Tumayo, nagpagpag ng sarili at dumiretso na sa pila.

V. Hindi ko rin alam kung paano nangyari. Pero biglang may nauna na roon sa p’westong pinapangarap ko kahit todo abangers ako - doon sa likod ng driver kung saan maluwag, masosolo ko ang buga ng erkon, katabi pa ng bintana, at higit sa lahat ay hindi maiipit ang itlog ko sa pagkakaupo. Dahil bigo, umatras ako ng bahagya palayo sa gilid na pintuan ng van at inaninag na lang ang upuan sa tabi ng drayber. Inilapat ko ang malaki kong mukha sa tinted na salamin at inispatang maigi kung may bakante pa nga roon. Swerte. Bata ang nakaupo. Maluwag pa rin kahit magtabi kami, isip-isip ko.

Iginala ko ang mga mata ko pagkaupong-pagkaupo ko sa tabi ng bata. Mukhang naka-tyempo nga ako dito sa puwesto ko. Pero mukhang minalas naman ‘yung bata dahil asiwa s’ya at hindi mapakali ang isang braso na nasa gawi ko. May nakasuot na sleeve na madalas gamiting pamorma ng mga traysikol drayber ang braso n’yang iyon. Parang may gustong takpan. At parang kailangan talagang ingatan.

Minasdan ko pang mabuti ang bata at napansin kong nangingitim at payat ang mga kamay nito; na sa sobrang pagkatuyo ay nagkaroon na rin ng bitak-bitak ang balat parang na-El NiƱo pero namumuti. Parang nanghihina rin s’ya na mababakas naman sa mukha niya. Pero kapansin-pansin na buhay na buhay ang mga mata. “Kagagaling ko lang po kasi sa dialysis.” Biglang usap n’ya. Marahil ay napansin n’yang matagal ang pagkakatuon ng tingin ko sa kanya kaya s’ya na mismo ang sumagot ng mga tanong na unti-unti nang nabubuo sa isip ko.

Bigla akong natameme at napahiya. Ako na walang ginawa kung hindi ang magsunog ng baga kayoyosi at bugbugin ang atay katotoma, ako na walang pinipiling pagkain na lalantakan para dagdagan ang taba sa katawan, bakit nga ba panay ang reklamo ko? Bakit nga ba ang kapal ng mukha ko?

VI. Inalis ko na ang tingin sa batang katabi ko at nag-focus na lang sa pagmamasid sa mga taong pawisan at puro nakasimangot habang nasa pila at nag-aabang ng susunod na van.

Pang-walo sa pila ay kapansin-pansin ang isang mama na masinsinang nakikipag-usap sa isa sa mga drayber sa terminal na ‘yun. Nasa edad trenta’y singko hanggang kwarenta’y tres ang mama kung ang pagbabasehan ay ang hitsura ng kanyang bruskong mukha, nag-aagaw sa pagiging abo at itim ang buhok nito dala siguro ng laging pagkabilad sa araw , walang bigote at balbas, sunog ang balat, nakamaong na shorts at kupas na sando, namumuti ang mga binti at paa, gayun din ang suot na sandals, at mukhang sanay sa mabibigat na trabaho. Hinala ko’y batikan sa construction site ang mamang ito.

Ang higit na kapuna-puna sa mamang iyon ay hindi talaga ang kanyang hitsura, kun’di ang mga bakal na animo’y scaffolding na nakatarak sa kanang braso n’ya dahilan para mabura ang ilang bahagi ng isang babae na naka-tattoo sa balat n’ya. Pero wala ni isang bakas ng sakit o pakiramdam ng pagiging hindi komportable ang makikita sa mukha ng mama sa kabila ng hassle na dala-dala n’ya.

Ano nga pala ulit ‘yung nirereklamo mo tungkol sa mailap na trabahong hinahanap-hanap mo? Mabilis na pagsingit ng tanong sa ulo ko.

Hindi ako makasagot sa magkahiwalay na tanong sa magkasunod na senaryo, kinuha ko na lang ang earphones sa loob ng bag ko at isinaksak sa telepono, hinanap ang mahiwagang p’yesa sa listahan ng mga kanta, pumikit at mabilis na tumungo. Umaasang makakatulog at makakatakas sa kahihiyang inabot sa harap ng sarili kong mga multo.

2 comments:

  1. ang hirap ng binigay sa'yo, pre. pag ako siguro 'to, nakatulog na 'ko kakapakinig. lakas lang maka-hele o. lol! ngayon ko lang nalaman na pumasa ka na pala sa board. kala ko nagpahinga ka muna after mo grumadweyt. belated congrats. pa-ginuman ka naman diyan. hehe.

    kahit ako rin naman, andami-dami kong reklamo sa mundo. eh ganun talaga, pinanganak akong reklamador eh. wala tayong magagawa kesehodang makakita pa 'ko ng nanay na lumaylay na sa talampakan ang suso gawa ng sandosenang anak. ginusto nila 'yun eh di panindigan! parang ako lang, naninindigan sa magandang buhay!

    iboto: lio para sa tuluy-tuloy na pag-asenso! ngee.

    ReplyDelete
  2. tama si pareng L anlakas makapag paantok nung music.

    Naalala ko pa noong nagbigay ka ng percent (90+% ata) kung paano ka nakarelate sa post ko bilang isang tambay na dumadaan din sa parehong suliranin na mukang mabigat pero mabigat talaga para sa atin, (n00n) hehehe

    kamusta na pala ang buhay mo ngayon? :))

    ReplyDelete