Pages - Menu

Sunday, October 27, 2013

Jerbaks

Hindi ko na maalala kung anong araw 'yun. Halos pare-pareho lang din naman kasi lahat ng araw na dumaan sa loob ng tatlong buwan ko bilang alipin ng isang telco - nandoon kami sa pinakababa, sa pagitan ng mga kliyente at ng mga boss. Basta ang natatandaan ko lang, maliwanag ang umaga na 'yun at mainit kahit mag-aalas-otso pa lang. Kumpulan ang mga tao, lahat handang makipagsiksikan sa mga bus. Marami ang umuusad ng lakad mula Boni MRT station papuntang Crossing, at isa na ako doon. Habang nakababad sa init ng araw sa gilid ng kalye at nagsisilbing pampa-good vibes ang kagwapuhan sa mga pasahero na prenteng-prente na lulan ng mga sasakyan, napuna ko na may isang babae ang sumilong sa anino ko. Binti lang n'ya ang napansin ko dahil wala ako sa mood para mag-aksaya pa ng panahon na sipatin ang pagmumukha n'ya. Pakiramdam ko nanlalamang s'ya sa ginagawa n'yang pagsilong sa anino ko kaya umalis ako sa kinatatayuan ko at naglakad pa ng kaunti para mas madaling makasakay.

Forever bus lover nga pala ako kaya hindi mo ako mapipilit mag-MRT kahit super rush hour pa.

Limang minuto pa ang lumipas, unting-unti nang nababasa ang kilikili ko pero wala pa ring dumadaang bus - na maluwag at titigil sa harapan ko. Kesa naman lumipas ang oras ng walang nangyayari, dumukot ako ng isang sigarilyo, nagpausok at nagmuni-muni saglit. Hindi ako papayag na ganito na lang ako lagi, dapat magkaasawa na ako. Pagod man sa trabaho, may magmamasahe naman pag-uwi. Biro lang, may bus na.

Ordinary bus ang natyempuhan ko. Akyat agad ako diretso sa dulo. Nakaupo na ako at pilit binubuksan ang bintana para may pumasok na hangin at mabawasan ang pamamasa ng kilikili ko nang mapansin kong sumakay din 'yung mapanlamang na bebot na nakikisilong sa malapad at mahaba kong anino. Nakilala ko lang s'ya dahil sa isang cute na peklat sa binti at sa suot n'yang skirt. Nagkaroon na ako ng pagkakataon at oras na sipatin ang mukha n'ya, kahit ako nagulat, chiks pala. At kung paano ko nasabing chiks? Maputi kasi ang kilikili n'ya.

Hindi ko na pahahabain pa ang kwento. Ito ang unang pagkakataon na nainlove ako sa unang tingin at gustong makipagkilala sa isang babae na nakasakay ko sa bus. (Mas seryoso pa 'tong buladas kong ito kumpara sa mga pangako ng mga aspiring kapitan at kagawad d'yan sa mga lugar n'yo, pramis.) Sa kasamaang palad, nauwi lang sa wala ang lahat dahil sa takot at hiya. Unang-una: Paano mo ba naman kasi lalapitan ng super swabe ang isang babaeng nag-oopisina, nagmamadali at mukhang malapit nang ma-badtrip sa loob ng bus dahil panget at may amoy ang nakatabi n'ya. Pangalawa: Basa ang kilikili ko, tuyong-tuyo 'yung sa kanya. Doon pa lang hindi na kami soulmate. Nakakawalang gana 'yun, 'di ba? Pangatlo: Ayokong mapagkamalang holdaper. Pogi na kasi ang mga holdaper ngayon, so may konek. At panghuli: Kung sakaling magkakatuluyan kami, baka isumbat lang n'ya habang buhay ang pagiging maramot ko noong minsang hindi ko s'ya pinasilong sa anino ko.

Moral lesson: Gumising ng maaga para hindi mahuli sa pagpasok sa opisina. Bye.

No comments:

Post a Comment