Pages - Menu

Monday, December 28, 2009

Estoy Palaboy

Palaboy-laboy lang si Estoy sa Maynila. Bunga s'ya ng pagmamahalan o mas tamang sabihing pampalipas oras lamang ng kanyang mga magulang na pawang mga pulubi rin. Mga pulubi na ang isang maghapon ay ubod ng tagal lalo na at walang makain. Ang tatay ni Estoy ay laking lansangan rin, parang bubble gum na basta tumubo sa kalsada matapos itapon ng kung sinong tao. Pagkatapos malaglag sa semento ay pinatigas ng panahon at pinaitim ng bawat alikabok. Ganun din ang kanyang ina na bunga naman ng kung kaninong semilya na pumasok sa nanay n'ya matapos sumali sa isang gang.

Patapon kung titingnan ang buhay ni Estoy, walang maaapektuhan kung sakaling mamatay s'ya, walang manghihinayang kung sakaling mabura s'ya isang araw sa mundo. Pagkain sa araw-araw ang numero unong problema, walang pake sa itsura, ang mahalaga may laman ang tiyan kahit pa latak na lang ito at tira-tira ng iba. Masahol pa sa aso ang tingin sa sarili, buti pa ang aso malinis ang kinakain; espesyal, puno ng bitamina at mahal pa sa buhay ni Estoy ang suma total ng gastos sa isang buwan ng pagkain ng nasabing aso. Mabuti pa ang aso, naliligo araw-araw, nakakatikim ng sabon at shampoo. Ni isang beses ata hindi pa nakita ni Estoy na malinis ang sarili, siguro magmumukha lang siyang malinis kung itatabi sa tumpok ng mga basura galing imburnal.

Si Estoy ay kakaiba, kakaiba hindi sa paraang dahil madumi s'ya, mabaho at isa lang pulubi. Sabagay, hindi na naman kataka-taka ngayon ang mga pulubi, pangkaraniwan na lamang sila dahil sa hirap ng buhay. Kakaiba si Estoy dahil kahit walang wala s'ya ay may gana pa s'yang mag-alaga ng kahit anong matripan n'ya. Una, mga limang taong gulang s'ya noon, aso ang alaga n'ya ngunit kinatay din nila dahil sa gutom. Bukod dun, ang nasabing alagang aso e makikihati pa sa tira-tirang pagkain n'ya na pinupulot sa basurahan. Sumunod naman ay pusa, inayawan din ito ni Estoy dahil kahit pulubi ay alam n'ya ang salitang allergy. Kahit anong tindi ng alikabok kaya ng baga n'ya pero ang balahibo ng pusa, suko s'ya. Nito ngang huli, isang tumpok ng lupa ang inalagaan n'ya, sa loob nun ay kuta ng mga langgam. Inspirasyon n'ya raw ito sa buhay n'ya, masisipag daw ang mga langgam at nakikinig sa mga kwento n'ya. Kahit daw hindi ito tumutugon ay alam n'yang nakikinig ang mga ito dahil ang mga kwento n'ya daw ang nagpapagana sa mga ito sa pagtatrabaho.

Hanggang sa isang araw nga ay may batang pinantal dahil sa dami ng kagat ng langgam, nagsumbong ito sa ina n'ya. Nang aktong bubuhusan na ng mainit na tubig ng nasabing ina ng bata ang kuta ng mga alaga ni Estoy, dagli itong sumugod at inaway ang mag-ina. Nangagat lang daw ang mga ito dahil pinapatakan ng bata ng nasusunog na lubid ang mga langgam. Pinagtanggol lang nila ang kanilang mga sarili sabi ni Estoy. Lumayo na ang mag-ina at pinaratangang baliw si Estoy.

No comments:

Post a Comment