Pages - Menu

Sunday, March 17, 2013

Saturday Fever

Kahapon na ata ang pinakamalungkot na Sabado ng buhay ko ngayong taon. Mas madilim kesa sa mga nakaraang ordinaryong gabi, pero mas mabango dahil naligo ako. Mas nag-iisa kumpara dati, pero mas payapa't malaya. May kulang nga lang.

Sobrang ganda ng gising ko noong umaga kahit hindi ako naligo noong Biyernes ng gabi. Walang halong biro, 'yung umagang din na 'yun ang pinaka-gwapong hitsura ko sa harap ng salamin sapul noong tumaba ako. Idineretso ko nang pagligo para swabe. Para fresh. Para mas lalong gwapo. Nanaid ng deodorant, nag-lotion sa mga braso at binti, pati sa paa't talampakan. Nagpabango pa, at higit sa lahat ay ipinorma ang buhok na parang dadalo sa isang job interview na surebol ang trabaho. Sabihin na lang natin na kung sakaling pipikutin ako ni Cristine Reyes, 'yung brief na napili kong isuot noong umagang 'yun ang dudukutin ko sa aparador para kusutin niya tuwing Linggo... habang suot ko. Luma ang suot na damit at shorts, pero maganda ang suot na sinturon. Sa madaling sabi, naka-postura na ako ng lagay na 'yun at hindi ordinaryong araw ang araw na 'yun. Tsinek ko ulit sa salamin, walang duda, araw ko 'to dahil ang gwapo ko.

Tuwang-tuwa ang nanay ko sa paghalimuyak ng bango ko sa buong bahay. Hindi raw ako amoy mama. Hindi raw amoy ulo. Sana raw laging ganun. Tinanong din n'ya ako kung may lakad daw ba ako at bakit masyado naman daw atang maaga ang inuman. Bintang naman ng kapatid ko, naligo raw ako ng maaga para hindi na makagawa sa bahay. Kalahating tama. Dahil pagkatapos ng lahat ng ritwal sa banyo at kwarto, ay agad akong humilita. Humilata hanggang magtanghalian. Humilata hanggang bumanas sa bahay dala ng init ng panahon. Inutusan ng nanay bumili ng asukal at gatas. Humilata pag-uwi. Tatayo lang kapag sisinga at iihi. Humilata ulit hanggang dumilim. At sa paghilata ay ang paulit-ulit na pagtingin sa selepono kung sino ang mga taong p'wede kong kulitin at makausap. Sa kasamaang palad ay wala. Naka-combo fifteen pa naman ako.

Nainip. Lumabas ng bahay. Naupo sa harap ng saradong tindahan. Nagyosi. Nainip. Alas-otso na pala agad. Bumalik sa bahay. Facebook. Walang makakausap. At kailan nga ba ako may nakausap sa lintik na Facebook. Nainip. Lumabas ng bahay. Tumambay mag-isa sa harap ulit ng tindahan. Nagsigarilyo. Nagsindi pa ulit ng isa. Paulit-ulit na tinitingnan ang kakaunting pangalan sa phonebook ng telepono. Walang posibleng makakainuman. Walang nag-reply. Nainip. Umuwi sa bahay. Humilata. Nalungkot. Ang saya ng buhay ko.

No comments:

Post a Comment