Nakasanayan lang siguro, pero mas matagal talaga akong mag-isip kung anong ilalagay sa ulo kesa sa katawan sa tuwing dadalaw ako dito. Parang thesis. Ang kaib'han lang, madalas dito ay hindi swak ang ulo sa katawan. Sa madaling sabi, hipon blog. Nyee! Ang totoo talagang mahirap pag-isipan e 'yung dahilan kung bakit kailangan ko pang bumalik dito kahit wala namang bago.
Noong isang araw lang tumama sa'kin na nakakahiya pala ang magkaroon ng personal blog. Ewan ko, hindi ko alam, baduy at korni na kasi ang datingan. Parang 'yon na kasi ang nararamdaman ko ngayon na bente singko anyos na ako at halos ganun pa rin ang sistema sa buhay. Tambay - tuwing rest day na nga lang, alak, papitik-pitik sa pambababae, alak, alak, tropa at marami pang alak na nauuwi rin sa pambababae. Palitan natin. Dahil mas mukhang tamang tawagin 'yun na 'Paghahanap ng tamang kalinga mula sa isang Eba' at hindi pambababae. Ulol. Pero may punto naman ako. Dahil mahirap ang muling sumabak sa giyera kapag hindi ka todo armado at hindi mo masyadong gusto ang tatangkihin mo. Isa pa'y tumatanda na rin tayo. Paurong nga lang sa kaso ko.
Nobyembre noong isang taon pa ang huling update dito. At kung medyo nakakasunod ka pa sa agos, oo 'tol, nanalo ako sa pustahan namin ng katrabaho ko na hindi ako male-late at magkakaroon ng absent sa 0600H - 1500H schedule ko. Pagkatapos nu'n, sangkatutak na late at absent na ang ipinalamon ko sa kumpanya namin dahilan para isuka nila sa akin ang matamis na unang memo. Una dahil tama ka na naman, nasundan pa 'yun. Ako naman ay binubusog din ng kumpanya namin, sa free lunch nga lang at pagka-dismayado. So, kwits tayo kahit mukhang ako pa rin ang talo.
Bakit nga ba inabot ng pitong buwan bago ako ulit magkalat dito? Sabihin na lang natin na medyo abala sa trabaho. Isa pa, siguro nga'y mas maaksyon lang talaga ang buhay ko dati kumpara ngayon. Biro lang, tinatamad lang talaga akong idaldal ang mga kuwan ko.
Balikan natin ang usapang trabaho. Akalain mong mag-iisang taon na pala akong halos araw-araw pumapasok ng pawis sa opisinang 'yun. Mataba pa rin kasi ako. At sa sampung buwan na pagpapabalik-balik ko roon, napatunayan ko na hindi mo nga talaga basta-basta makukuha ang respeto ng mga empleyado mo. Pero 'yung ngarat at mura ng maliliit na tao habang nakatalikod ang amo, mukhang doon ako praktisado.
Aminado naman ako na magandang karanasan talaga at marami akong natututunan sa karerang 'to. Sa kasamaang palad, hindi katulad ng unang tikim ng isang babae ang naging karanasan ko na sa simula lang mahirap at masakit pero paglaon, hahanap-hanapin mo na dahil nauulol ka sa ligaya. Hindi ko rin masabing baligtad, dahil simula pa lang ganun na - sablay. Umapaw na talaga ang luga dahilan para mabuo ang isip ko na humanap na ng bago. Kung hihimay-himayin ko ang dahilan, teka, magpapatulong ako sa mga naunang gago. Sa katunayan pa nga n'yan e nakabakasyon ako ngayon ng halos sampung araw para lang huminga ng malalim, magmuni-muni, kumain ng lutong bahay at hindi takal na kanin, magbabad sa internet, hindi maligo araw-araw at magdeposito ng resume kung saan may espasyo.
Kung pagmamahal sa sarili at pag-intindi sa sariling kaligayahan ang tawag dito, totoo ngang makasarili akong tao. So paano, maligayang kaarawan na lang siguro sa'kin noong isang araw. Hanggang sa muli at kita-kita na lang kapag nakahanap na ako ng bagong trabaho!
Hindi ata e. Pero salamat pa rin sa effort mo, 'tol. Sana magtagumpay ka sa karerang napili mo. Ingat po.
ReplyDeleteIdol wala kaba bago?
ReplyDeleteWala pa akong bagong gelpren e. Ikaw ba may bago? Hihi!
Deleteabot pa ba? maligayang kaarawan, tol! hangga't may jobstreet, may pag-asa.
ReplyDeleteSalamat sa pagbati, bossing idol. Hangga't may Jobstreet, lagi ngang may pag-asa.
Delete